Local execs nahuli muli: Hindi handa sa kalamidad
SANDALI lang bumisita si President Noynoy Aquino sa Central Visayas na sinalanta ng lindol nu’ng Martes. Lumipad agad siya sa state visit sa Korea. Maaring hindi niya napanood ang TV news footages ng kahabag-habag na sitwasyon dalawang mahahabang araw mula nang sakuna. Naglipana ang mga biktimang tulala, naglalakad na walang direksiyon, gutom, at walang masisilungan.
Malinaw na pumalpak na naman ang local government officials sa pamamahala sa sakuna. Ito’y sa kabila ng paulit-ulit na utos ni P-Noy na mag-zero fatalities sa kalamidad at mabilis na lunasan ang hirap ng mga biktima. Sana batukan niya ang mga pabayang gobernador at meyor.
Sinusuway ng local officials ang mga alituntunin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. Matagal nang iniutos ng ahensiya na magprak- tis ang mga barangay, munisipyo, lungsod, at probinsiya ng emergency rescue at relief.
Binabale-wala rin nila ang geo-hazard maps ng kanilang mga lugar -- na binibigay sa kanila tuwing simula ng termino. Iginuhit ng Mines and Geoscience Bureau, nasa mga mapa ang mga pook na malamang magka-baha, landslide, tsunami, at yanig. Batay dito, malalaman ng opisyales kung saan-saan ang priorities sa emergency.
Panawagan: Maraming mga dayuhan ang naninira-han sa Bohol at Cebu. Masipag silang tumutulong sa relief at rehab. Kailangan ayusin ang gumuhong pader, bubong, at kampanilya ng sampung sinaunang simbahan. Baka maaring kalampagin ng mga Filipinos sa Europe ang kani-kanilang dioceses doon na tumulong sa gastusin. Gawa ang mga simbahan sa coral stones, at antigo ang mga sahig, kisame, pinto, at mga poon at kagamitan. Bahagi lahat ng kayamanan ng mundo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest