KALUNUS-LUNOS ang tanawing bumungad matapos ang may 30 segundong pagyanig ng lupa sa Bohol, Cebu at Siquijor noong Lunes ng umaga. Gumuho ang mga lumang simbahan na pamosong atraksyon ng turismo ng bansa, mga gusali ng pamahalaan at mga pribadong korporasyon, mga kabahayan, kalsada’t tulay, mga paaralan at ospital, ang pagkaputol ng supply ng kuryente’t tubig at ang pagguho ng mga kabundukan. Naglitawan na rin ang mga butas na sinisingawan ng kulay dilaw na usok tanda ng sulfuric acid na ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismo-logy (Phivolcs) ay nagmumula sa mga natipak at nalusaw na mga bato sa ilalim ng lupa. Sa kasalukuyan umaabot na sa 1,600 after shocks matapos na 7.2 na lindol. Kaya ang ating mga kababayan sa Bohol, Cebu at Siquijor ay pansamanlang sumisilong sa mga kubol-kubol upang makaiwas sa pagtabon ng nagigiba nilang mga tahanan. Ang masakit kulang na ang supply ng tubig at pagkain kung kaya nanawagan ako sa inyong may busilak na kalooban na tulungan natin sila.
Sa ngayon ay umaabot na sa 171 ang patay sa talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at maaring marami pa ang hindi nakikita sa mga gumuhong gusali. Maging ang mga remote areas na hindi pa nararating ng rescue teams ay maaaring marami pang mga biktima ang hindi nabibigyan ng pansin. Katulad na lamang sa mga bayan-bayan ng Bohol na talaga namang pinulbos ng lindol na hanggang sa kasalukuyan ay nata-trauma ang mga residente roon. Kasi nga halos oras-oras ay umuuga ang kanilang kinalalagyan.
Sa puntong ito agad na pinakilos ni Mr. Miguel G. Belmonte, President and CEO ng Star Group of Publication ang staff ng Operation Damayan upang alamin ang kalagayan at pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng lindol. Dito inilunsad ang “Lingap Bohol†na pinondohan ng paunang P1.2 milyon sa paunang relief operation sa bayan ng Loon. Pagdating kasi sa pagtulong sa mga biktima ng sakuna hindi matatawaran ang Operation Damayan na itinatag ni late Betty Go Belmonte ang founder ng Damayan Foundation. At sa ngayon nga, ito ang sinusunod ng kanyang anak na si Miguel Belmonte. Subalit nais ko pa rin kumatok sa inyong mga busilak na puso upang humingi ng kunting tulong upang lalong lumaki ang pondo na makakadagdag sa ipamimigay naming tulong sa mga sinalanta ng lindol.
Sa inyo mga suki na nais tumulong mangyaring ideposito sa The Philippine Star Operation Damayan c/o MBTC Aduana Branch savings account No. 151-7-15152422-9. Paki-fax lang po mga suki ang deposit slip ninyo sa tel no. 527-6857 c/o Operation Damayan. At sa nais namang personal na magbigay ng tulong ay mangyaring tumawag sa 336-9598, hanapin po lamang si Emie Cruz. Mangyaring mag-email sa contactus@philstar.com.ph follow@ philipinestar on twitter or visit www.facebook.com upang matiyak ninyo na natanggap ang inyong tulong. Magtulungan po tayo sa pagsagip sa ating mga kababayan mga suki!