DALAWANDAANG aftershocks ang naramdaman sa Kabisayaan mula nang yanigin ng 7.2 na lindol noong Martes ng umaga. Ayon sa Phivolcs, ilang linggo pa magkakaroon ng aftershocks. Tinamaan ang mga lalawigan ng Bohol at Cebu, pero umabot ang pagyanig ng lupa sa Davao. Sa Bohol naitala ang pinakamalaking bilang ng mga nasawi, 93. Patuloy ang paghahanap sa mga nadaganan ng mga gumuhong bahagi ng gusali, pero sana naman ay hindi na madagdagan ang bilang ng mga namatay.
Tiniyak naman ng Phivolcs na hindi dapat pangambahan ang tsunami, dahil ang epicenter ng lindol ay naganap sa lupain, at hindi sa karagatan. Lumipas na rin ang oras para lumitaw ang mga indikasyon na may parating na tsunami, tulad ng pagbago ng laki ng tubig. Salamat naman. Pero ganito nga ang epekto ng lindol, isang kaganapan na wala tayong kalaban-laban. Ang bagyo ay puwedeng paghandaan dahil malayo pa lang ay nababantayan na ang kilos at lakas. Ang lindol ay walang nakaaalam kung kailan magaganap, at kung gaano kalakas. Ang alam lamang ng mga dalubhasa ay ang mga lugar na puwedeng tamaan ng lindol, pero hanggang doon lang.
Mabuti na lang at walang pasok nang maganap ang lindol, kundi baka maraming bata ang nadamay. Maraming imprastraktura ang nagtamo ng danyos tulad ng mga gusali, kalsada at tulay, na ngayon ay inaasikaso na ng DPWH para mapag-aralan kung paano maaayos ang mga ito. Malaking trabaho para sa mga kinaukulang ahensiya ng gobyerno. Unti-unti nang bumabalik ang kuryente sa ilang lugar, pero hindi pa sa buong Kabisayaan. At ganun nga, hindi pa tapos ang paghahanap sa mga nawawala, na pinangangamÂbahang nadaganan ng mga gumuhong istruktura.
Marami rin ang nanghihinayang sa danyos na tinamo ng dalawang makasaysayan at lumang simbahan sa Bohol, pati na rin ang isang simbahan sa Cebu. Gumuho ang malaÂlaking bahagi ng Loboc at Baclayon church at Basilica Minore del Santo Niño. Ang mahirap, ang mga lumang materyales ngayon ay bawal nang gamitin ang pinatayo sa mga nasabing simbahan, kaya hindi na ito tunay maibabalik sa orihinal na anyo. Sayang talaga. Pero mabuti at walang namatay sa simbahan.
Binagyo ang Luzon, nilindol naman ang Visayas at Mindanao, nagkaroon ng labanan sa Zamboanga. At hindi pa tapos ang taon. Sana tama na muna at medyo bugbog na rin ang bansa, hindi lang sa mga natural na kalamidad kundi pati na rin sa mga iskandalo at anomalya.