Lunas para sa nasirang sex life

MARAMING nagtatanong sa akin kung paano maiba­balik ang sigla ng kanilang sex life. Ang sagot ko ay dapat magkaroon ng maayos na pamumuhay. Iwas sigarilyo at alak. Huwag masyadong magpataba. At kung may sakit na altapresyon, diabetes o high cholesterol, kailangan itong ma-kontrol ng diyeta at gamot para hindi masira ang inyong sex life.

“Este Dok, may nabalitaan akong pampalakas daw sa sex. Mareresetahan mo ba ako?”

“Eh kanino mo ba balak makipagtalik?”

Kadalasan ay may kislap ang kanilang mga mata. Mukhang hindi alam ni misis ang masama nilang balak.

Sa ating mambabasa, totoong may mga gamot na pampalakas at pampatigas ng ari. Kadalasan ay mga diabetic o yung mga may edad ang nangangailangan nito.

Apat itong mga gamot: Andros, Viagra, Levitra at Cialis. Ayon kay Dr. Eduardo Gatchalian, isang tanyag na urologist, halos pare-pareho ang bisa ng mga gamot na ito.

Ngunit ang pinaka-mura sa mga ito ay ang Andros, na gawa ng Unilab. Ang generic name nito ay Sildenafil. Iniinom ang Sildenafil isang oras bago makipagtalik at tatagal ang epekto nito ng 4 na oras.

Puwede bang uminom kahit walang impotence? Ang masaklap na sagot ay “Oo.” Kahit normal ka ay puwedeng mapatagal ang pagiging matigas ng ari. Mapapaikli rin ang tinatawag na refractory period. Ang ibig sabihin nito ay pagkatapos mag-orgasm ang lalaki, mas maikli ang hihintayin na panahon para manumbalik ang lakas mag-sex.

May tulong ba ang Sildenafil sa kababaihan? Ayon kay Dr. Gatchalian, “Baka mayroon kaunti.” Ito’y dahil mapapadami nito ang agos ng dugo sa bahay-bata ng kababaihan. Ngunit hindi pa rin namin ito pinapayo.

Huli sa lahat, kung ikaw ay may matinding sakit sa puso, bawal gumamit nito. Kumunsulta muna sa isang espes­yalista sa puso.

Show comments