‘LAS PIÑAS murders’ (Ika-apat na bahagi)

SA PAGPAPATULOY ng aming serye…tampok ang karumaldumal na pagpatay sa isang ‘co-owner’ / “CEO” ng call center na Tech Support Global (TSG) sa Alabang, si Edralin ‘Ed’ Adriano. Dinetalye namin kung paano positibong tinuro si Ricardo Robles alyas “Rekrek” ng tanod na si Rodrigo Pereda at ang pagdepensa naman ni Allan Glenn Costillas para kay Rekrek sa ginawa ring paturo sa suspek.

Sa pag-iimbestiga ng mga pulis, nagbigay ng pahayag ang isang kapitbahay ni Ed. Si Jonathan “Kulet” Bolima, mekaniko. Siya raw ang huling taong nakausap ng biktima nung gabing yun.

Ayon kay Ronnie, nabanggit ni Kulet na nakita niyang dumating si Ed na may kasama.

Batay naman sa sinumpaang salaysay ni Kulet na ibinigay kay Imbestigador PO2 AL-Shahriff Uy, ika-10 ng Setyember 2013, sa Las Pinas Police Station: Ika-6 ng Setyembre 2013, 7:00PM-12:00PM nakikipag-inuman siya sa mga kabarkada na sila Angelo, Tj, Jason at Pugo ngunit ‘di magkasabay, kada bahay nila ang inuman.

Una raw siyang nakipag-inuman kay  â€œAngelo” sa Pulo, Talon 4 at tinignan ang motor na binibenta. Bandang 7:30 ng gabi pinuntahan naman niya si “Pugo”, taga Medina. Pagkatapos dumiretso siya sa ‘shop’ ni “TJ”, paakyat ng Medina--sa palengke at naki-ride sila ni TJ at Pugo sa ‘trollie’ pa-SM SouthMall.

Alas diyes ng gabi na raw siya ng makauwi. Sarado ang kanyang bahay, ang ginawa niya pumunta siya sa may tindahan at bumili ng ‘red horse’ para uminom.

Bandang 12:00 ng gabi ng makapasok na siya ng bahay. Dito niya napansin na dumating na si Ed. Kinausap niya si Ed at sinabing, “Kelan namin tatabasin ang puno…”. Sagot daw nito, “Bukas na lang ng umaga…”

Ito na raw ang huling pag-uusap ni Kulet at Ed. Kinabukasan 9:30 AM tinawag na lang siya ni Ronnie para tignan ang bahay ni Ed at nagpatulong na pumasok sa loob. “Kinutuban sila na parang may pumasok na magnanakaw sa bahay,” ­–sabi ni Kulet sa salaysay.

Dito na sinira ang bintana sa katabing kwarto ni Ed at pinapasok ang isang bata para mabuksan ang pinto. Tumambad na ang bangkay ni Ed.

Naging paiba-iba naman daw ang salaysay na itong binigay ni Kulet sa pulis sa mga kinikwento niya kay Ronnie.

Sabi ni Ronnie, nakwento ni Kulet na binati niya pa si Ed nung gabing umuwi ito sa bahay, “Boss Ed!” pagtawag daw nito.

“Oh Kulet, lasing ka na naman…” sagot pa umano ng anak.

Isang naglalako ng ‘mami’ ang nakapagkwento kay Ronnie na nagwawala itong si Kulet ng gabing pinaghihinalaang naganap ang pagpatay.

“Sinita pa raw siya nito sinabing… “Alalahanin mo Kulet bata pa ang mga anak mo…” wika ni Ronnie.

Diniretso ni Ronnie si Kulet tungkol sa  napag-alaman. “Naisip ko rin kasi kung nag-iinuman sila ng ganung oras sa tapat ng bahay ni Ed. Imposibleng hindi nila mapansin na may masamang nangyayari sa loob,” sabi ni Ronnie.

Mabilis na sinagot ni Kulet na nagwawala siya ng gabing iyon dahil nakaaway daw niya ang dalawang kainuman.

Ika-9 ng Setyembre 2013, habang nasa punerarya sa Sucat ang mag-asawang Moreno nagulat si Ronnie ng sunduin sila ni Kulet.

“Nakita na raw ng mga pulis ang tinangay ng Isuzu Alterra. Tinanong ko kung ba’t siya pa nagpunta sagot niya naman ‘di alam ng mga pulis ang cell phone no. namin kaya siya ang tinawagan,” kwento ni Ronnie.

Natagpuan ang Alterra ni Ed sa Molave St., Admiral Park Subdivision limang minuto lang ang layo kapag minaneho mula sa pinangyarihan ng krimen.

“Dalawang araw na raw yun naka-park sa tapat ng taniman ng gulay. Ayaw ng may-aring may sasakyang pumaparada sa tapat kaya’t ni-report niya sa baranggay. Nakarating naman ito sa pulis,” ani Ronnie.

Wala na ang ‘built-in i-pod’ sa Alterra ni Ed. Pati ang resibo nito. Tanging post paid ‘sim card’ sa isang cellphone nito ang kanilang natagpuan.

Kumalap ng ibang  ebidensya sina Ronnie. Nakakuha siya ng tatlong ‘video clips’ mula sa Closed-Circuit Television (CCTV). Ang dalawa kuha sa ‘entrance’ ng San Antonio Valley XVII, sa guard house malapit sa bahay ni Ed.

Sa CCTV ganap na 12:03AM nakitang pumasok sa subdivision ang kulay puting Isuzu Alterra  may plakang UIE737 ni Ed. Magdadalawang oras ang lumipas, ganap na 1:50AM mabilis na lumabas ang sasakyan.

Sa isang video clip mula sa CCTV ng Admiral Park Subd. (lugar kung saan natagpuang nakaparada ang Alterra) 2:45AM dumaan ang sasakyan ni Ed.

“Limang minuto lang ang layo ng Molave St., sa bahay ni Ed… saan dinala ang Altera ng ilang oras?” pagtataka nila Ronnie at Editha.

Sa maikiling pagitan ng oras mula ng dumating si Ed at sa palagay nila’y pinatay ito, tinangay ang mga importanteng gamit at sasakyan mas lumalim ang pagduda ni Ronnie at ina ni Ed na si Editha.

Sinampahan ng kasong Robbery with Homicide, Carnapping under RA 6539 or the Anti-Carnapping Act of 1972 as amended by RA 7659 at Violation of Presidential Decree No. 1866 as amended by RA 8294 si Rekrek.

Nailabas na rin ang resolusyon, ika-27 ng Setyembre 2013 ni Asst. City Prosecs Sylvia M. Inciso-Butial. Nakitaan ng ‘probable cause’ ang akusado dahil ang tangi niyang depensa ay  ‘alibi’ at ‘denial’… na wala siya sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Ito ang kinukonsiderang “weakest form of defense”.

Hindi rin napatunayan ni Rekrek na imposible siyang makapunta sa bahay ni Ed dahil ilang minuto lang ang layo ng bahay nito sa lugar kung saan sinasabing naroon siya ng mangyari ang pagpatay. “In the instant case, respondent failed to demonstrate that it was physically impossible for him to be at San Antonio Valley where the crime is committed…” laman ng resolusyon.

Kasalukuyang nakakulong si Rekrek subalit giit nila Ronnie, “Hindi kami maniwalang pagnakawan lang ang motibo sa pagpatay kay Ed...”

Ito ang dahilan ng pagpunta nila sa amin ika-27 ng Setyembre 2013.

Diresto namin tinanong si Editha kung may alam ba siyang nakaaway ng anak o may motibong para siya’y patayin maliban sa pagnakawan. “Wala akong kilalang kaaway ni Ed, napakabait ng anak kong yan!” wika ng ina.

Kung walang kaaway si Ed, bakit sinapit niya ang ganito kabrutal na katapusan ng kanyang buhay? Akyat bahay lang ba talaga ang kasong pagpatay kay Edralin Adriano?

SA MIYERKULES hihimayin namin ang lahat ng nakalap naming impormasyon, dokumento, pahayag mula sa iba’t-ibang tao at aming ilalathala. Inaanyayahan din namin kayo na magbigay ng inyong mga kumento. EKSKLUSIBO, dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166 (Dahlia), 09213784392 (Carla), 09067578527 (Mig), 09198972854 (Monique). Tumawag sa 6387285 / 7104038

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments