Intindihin na lang?

GANITO na ba talaga ang kabataan ngayon? Iyan ang aking naitanong nang mapabalita ang isang guro sa Novaliches na habang nagbibigay ng lecture ay nilapitan at biglang sinakal ng estudyante. Ang dahilan, galit daw sa guro ang estudyante dahil isinumbong niya ang dalawang kasama nito sa guidance counselor.

Sa buong buhay ko bilang estudyante, wala akong nabalitaan na sinaktan ng isang estudyante ang isang guro. Sa nabanggit na insidente, ang guro ang na-bully, at hindi ang estudyante.

Anong klaseng bata ang may likas na kabastusan, para gawin ito sa harap ng maraming tao? Anong klaseng pagpapalaki sa kanya ang ginawa para umabot sa matinding pambabastos sa isang taong may otoridad? Kung kayang manakal ng guro sa harap ng maraming tao, ano na ang kayang gawin kapag wala nang nakatingin?

Pero imbis na maparusahan ang estudyante, inilipat na lang umano ng kanyang mga magulang sa ibang paaralan. Anong silbi niyan? Para sa ibang paaralan naman mambastos ng guro? Hahanap ng mga magiging kabarkada muli, magtatayo ng grupo kung saan siya muli ang pinuno – sa tingin ko hindi ito papayag na sumunod kanino man at ang gusto ay siya ang sinusundan – at maghahasik muli ng lagim sa bagong paaralan? Hindi ba dapat pumasok na ang batas dahil kriminal na ang kanyang ginawa?

Dumadami na raw ang mga insidente kung saan ang guro na ang nalalagay sa panganib mula sa mga estudyante. Sa Caloocan, isang guro ang sinaksak at napatay ng isang estudyante. Diyos ko. Ano na ang laban ng mga guro kung wala namang magagawa laban sa mga ganitong klaseng estudyante? Nakagapos ang kanilang mga kamay, habang sila na ang pinagmamalupitan, at kapag minalas, napapatay pa.

Mas mabait ba ang mga bata noong araw? Mas ma­galang? Mas may respeto sa mga nakatatanda? Hindi na ba uso iyan ngayon? Dahil ba hindi na sila napaparusahan, at “iniintindi” na lamang?

 

Show comments