NASA Bali, Indonesia si President Aquino para sa APEC Summit kung saan nagtitipon-tipon ang mga pinuno ng mga miyembrong bansa para talakayin ang ekonomiya ng mundo. May ilang insidenteng naganap sa nasabing summit. Una ay ang palakpakan na tinanggap ni P-Noy, nang magpahayag na wala siyang planong tumakbo kapag natapos na ang kanyang termino. Tinanong kasi siya ng isang negosyante mula sa Taiwan, na nagpahayag ng paghanga sa nilakas ng ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Aquino, kung naisip niyang manatili para hindi mawala ang buwelo, ika nga. Pero sinagot siya ng Presidente na hindi na siya ang tatakbo, at ang tao naman ang mamimili kung sino ang nararapat na magpatuloy ng kanilang sinimulan. Nasanay na kasi ang tao sa mga bansa sa Asya, kung saan tila hindi bumibitaw basta-basta ang ilang pinuno sa kanilang posisyon.
Kapansin-pansin na rin sa buong mundo ang ekonomiya ng Pilipinas, na napakalaki ng pagbabago sa ilalim ng administrasyong Aquino. Totoo talaga na kapag nilabanan ang korapsyon at maayos ang pamamalakad sa gobyerno, natural na susunod na ang kaunlaran. Hindi na nga tayo ang tinatawag na “Sick man of Asiaâ€, kundi isa na sa pinakama-lakas na ekonomiya sa Asya. Mabuti naman at nalalagay ang bansa sa magandang posisyon sa mundo. Matagal na rin tayong lubog sa lahat, dahil sa pamamalakad ng mga nakaraang administrasyon.
Ang pangalawang insidente ay nakakalungkot naman. Naging bastos ang pagtanong ng Hong Kong reporters kay Aquino hinggil na naganap na hostage-taking sa Manila noong 2010. Halos pasigaw na ang kanilang mga tanong, na walang respeto sa kausap nilang panauhin. Kaya naman agad silang tinaboy ng Indonesian officials, at kinansela ang kanilang mga ID. May tamang lugar para sa ganyang mga tanong. Ang ginawa ng Hong Kong reporters ay para hamakin si Aquino. Ang ganyang pambabastos ay walang lugar sa ganitong klaseng pagtitipon ng mga lider ng bansa.