Ang ‘action man’ng Bgy. Pio del Pilar

ANG Bgy. Pio del Pilar sa Makati ay napakamalapit sa puso ng pamilya Ejercito Estrada. Sa lugar na ito nagsimula ang Bluebird Taxi ni Atty. Poly Ejercito at laging panalo rito si Mayor Erap at Senator Jinggoy.

 Nasa barangay na ito ang aming matalik na mga kaibigan na sina Severino “Ka Verong” Umandap at Dr. Chie Umandap, na inaanak naman ni Vice President Jojo Binay. Si Ka Verong ay tinatawag na “action man” ng Bgy. Pio del Pilar dahil sa napakarami niyang proyekto.

 Sa pamamagitan ng kanyang mural project ay pina­pinturahan at pinaganda ang mga pader at poste na tadtad ng mga pangit na pinagsususulat ng mga nagbaban­dalismo. Ipinursige niya ang segregation ng biodegradable at non-biodegradable waste materials sa ilalim ng Clean and Green project.

 Naglagay siya ng waste receptacles sa mga mataong lugar tulad ng simbahan at paaralan, at doon ay agad nang ihinihiwalay ang mga ginamit na plastic sa bottled water at softdrinks. Ang kanyang Kariton ng Buhay project ay nagbibigay ng kariton sa mga walang trabaho upang makulekta nila ang mga plastic at iba pang mabebentang basura.

 Namahagi siya ng mga rubberized na basurahan sa bawat tahanan sa buong barangay. Nagpatanim siya ng mga puno sa kahabaan ng Osmeña at Arnais Avenues. Ipinatupad niya ang regular na paglilinis ng mga creek, kanal at imburnal.

Sa Pio del Pilar lang din makikita na ang mga bangketa ay hindi lang winawalis kundi sinasabon pa. Sa kanyang GoTo Verong Feeding Program, may mga kariton na may sariling lutuan ang umiikot sa buong barangay at namamahagi ng lib­reng goto’t arroz caldo, laluna sa mga bata at senior citizens. Mayroon siyang libreng “karaoke” para sa mga ka-barangay na nagdiriwang ng kaarawan o anumang special occasion.

Mabuhay ka, Ka Verong Umandap! Nawa ay magtuluy-tuloy at lalong yumabong ang napakagagandang mga proyekto mo sa Bgy. Pio del Pilar.

 

Show comments