‘Sumibat sa laban(?)’

‘ANG BARKO kapag lumulubog, huling umaalis ay ang kapitan nito. Nung unang panahon may pagkakataon nga na sumasama ang kapitan sa paglubog nito!’

“Pinilit kong sagipin ang relasyon namin pero hindi ko din kinaya. Alam kong mali at alam kong masakit ang ginawa ko pero ngayon desidido akong gawin ang tama,” salaysay ni Jan Vincent Ediezca, 28, ng Pasay City.

Dumulog sa aming tanggapan si Vincent upang magpatulong na makuha ang isang taong gulang na anak na kinuha ng biyenan matapos silang maghiwalay ng kanyang live-in partner ng dalawang taon.

Tulad ng iba pang relasyon, nag-umpisa sina Vincent at Junnie Lyn Nape, 31, ng masaya. Unang nagkakilala ang dalawa nung ika-26 na kaarawan ni Vincent. “Birthday gift” pa ang turing nito sa dalaga hanggang magbago rin ang lahat para sa kanila.

Nagyaya daw siyang makipag-inuman sa mga kabarkada sa Giligan’s ng makita niya ang dalaga sa kabilang mesa. Dahil sa porma’t tindig ay hindi niya napigilang titigan ito kaya’t naglakas loob siyang lapitan ang dalaga.

Hiningi niya ang numero ni Junnie at buhat noo’y araw-araw na silang naging mag-textmate. Nung naging komportable na sila sa isa’t isa inamin ni Junnie na may una na siyang pinakasalan. Nagkaroon sila ng isang anak subalit hindi nagtagal ang kanilang relasyon at nagkahiwalay rin sila.

 â€œMasakit sa aking hindi malaman simula nung umpisa na nakatali na pala siya sa iba,” ani Vincent. Ngunit hindi na hinayaan pa ng binata na masira ng lumipas ang relasyon nila ng dalaga. Pinagpatuloy nila ang kanilang relasyon.

Nobyembre taong 2011 hindi na sila mapaghiwalay. Gusto nila parating magkasama kaya nagdesisyon silang mag live-in.

Enero 2012 ng ipagbuntis ni Junnie ang anak nila ni Vincent. “Sinabihan ko siyang pagkatapos manganak mag-iipon kami para sa annulment niya at magpapakasal na kami pagkatapos.”

Setyembre ng parehong taon ipinanganak ang kanilang pa­nganay. Iisang buwan pa lang mula nang nanganak nagsimula na silang mag-away.

“Naging mainitin ang ulo niya sa akin. Lahat ng ginagawa ko mali. Hindi na ako makapagdesisyon para sa pamilya namin na dapat ako naman ang gagawa dahil ako ang padre de pamilya,” kwento ni Vincent.

“Siya lang lagi ang nasusunod. Kahit mali na ang ginagawa niya gusto pa din niyang siya ang masusunod,” dagdag  niya.

Akala niya’y dumaraan lang ang kanyang ka live-in sa tinatawag na post natal blues kung saan nagiging iritable ang babae pagkatapos manganak at kung minsan nagiging insecure. Sa mga sumunod na araw pa’y nagsimula nang sumakit ang kanang dibdib ni Junnie.   

Nagpatingin sila sa isang espesyalista upang malaman ang sanhi nito. Dun nalaman nilang may stage 3 breast cancer pala si Junnie.

Nagpa “chemo therapy” si Junnie at nung Mayo 2013 nagpa “masectomy” (inoperahan para tanggaling ang suso) siya sa Makati Med. Bagama’t laging nariyan si Vincent para sa kanya, madalas pa ding hindi magkaintindihan at magkasundo ang dalawa.

“Ginagawa ko na ang lahat para sa kanya ngunit hindi pa rin niya ‘yun nakikita. Lagi pa din siyang galit at nakikipag-away sa akin. Naisip kong umalis nalang muna sa bahay dahil baka ako pa ang maging dahilan ng paglala ng sakit niya,” salaysay ni Vincent.

Ang sumusunod ay ayon sa salaysay ni Vincent at iniiwan na namin sa inyong mambabasa kung anong reaksyon niyo: Hunyo ng parehong taon umalis si Vincent sa kanilang bahay. Iniwan niya ang anak at si Junnie na walang kasama. Akala niya ang kanyang pag-alis ay makakabuti para sa kanilang dalawa. Hindi na siya muli pang nagparamdam dito at hinayaan na lamang ang kanyang mga kamag-anak ang bumisita sa dating kinakasama.

Ika-21 ng Agusto ng mag-text ang kaibigan ni Junnie kay Vincent. Sinabi raw sa text na “Condolences” at nagtatanong kung saan nakaburol si Junnie. Nabigla daw siya sa bilis ng mga pangyayari. Pinilit pakiusapan ni Vincent ang pamilya ng dating kinakasamang makabisita man lang siya kahit sa huling pagkakataon ngunit naging bingi ang pamilya ni Junnie sa mga daing niya.

Kinuha ng ama ni Junnie ang kanilang isang taong sanggol at dinala sa Isabela. Buhat nun ay hindi na niya muli pang nakita ang anak. Nagbakasakali siyang lumapit sa aming tanggapan upang humingi ng tulong na mabawi ang anak.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Jan Vincent Ediezca.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES May panahon para sa lahat ng bagay. May panahon para magpakasaya, panahon para magtrabaho, panahon para maglibang at panahon para magdalamhati.

Sa panahon ngayon, sinabihan namin si Vincent na hayaan na munang magluksa ang ama at pamilya ng dating kinakasama. Hindi rin namin masisisi si Mr. Nape sa inaasal nito dahil natural lamang sa isang ama na ang pakiramdaman  ay iniwan ang kanyang anak lalo na nung nasa bingit ito ng kamatayan.

Hindi rin para kami ay gumawa ng hakbang na wala pang 40 araw ay heto na siya at binabawi ang anak na kanyang iniwan. Sabihin mo na kahit may basehan ang kanyang pag-alis sa bahay, iniwan mo pa rin siya sa mga sandaling pinakakailangan ka.

Ipinaliwanag rin namin kay Vincent na napakahirap maging cancer patient. Madaming sakit ang nararamdaman sa katawan kaya madalas na naiirita ito. Sa halip na iwan ay dapat sana’y mas inaruga niya ito.

Siniguro naman namin siyang hindi pwedeng mapunta sa iba ang anak ng walang pahintulot niya dahil sa batas siya pa rin ang ama ng bata.

Sinabihan namin siya na palamigin ang tensyonadong sitwasyon at kapag humupa na ang buga ng apoy subukan niya munang makipag-usap ng maayos sa pamilya ni Junnie. Kung hindi naman umubra ito, daanin niya sa legal ang lahat. Maaari siyang magsampa ng “Habeas Corpus” sa Isabela kung saan naroon ang bata para ang korte ang magdesisyon kung kanino dapat ibigay ang pangangalaga sa bata.

(KINALAP NI MIG KAREN RAMIREZ)

Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166 (Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa tocal13@yahoo.com Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

Show comments