^

PSN Opinyon

‘Tinarakan ng screwdriver’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

IBA’T-IBANG uri ng patalim ang nagagamit na pampatay. May baril, ‘ice pick’, ‘kitchen knife’ at marami pang iba. Si ‘Jonathan Quilatan’ naman… ‘screwdriver’ ang pinanggripo.

Ika-2 ng Agosto 2012… 4:00 ng umaga bumangon agad si “Negro”, lumabas ng bahay at nirebolusyon ang motor ng pampasadang traysikel,

Alas 4:00AM pa lang pumapasada na si Negro para maghatid ng mga estudyante at empleyado, alas singko hangang 6:00 ng hapon na ang uwi niya.

     Nung araw na yun 30 minuto pa lang ang nakakaalis si Negro, kumatok na sa pinto ang traysikel drayber na ka-toda nito. Nagsisigaw, “Jane! Ang asawa mo… Nasaksak! Puntahan mo na!”

Ganito ginising si Marijane “Jane” Cruz, 37 anyos--- misis ni Gary Cruz, “Negro” kung tawagin.

“Nanakbo na ako papuntang labasan sakay ng traysikel. Paliko pa lang ng Kalawaan sa San Joaquin tanaw ko na traysikel namin,” kwento ni Jane.

Parehong laking Pasig City ang mag-asawa Cruz. Meron silang tatlong anak. Pamamasada ng sariling traysikel ang kabuhayan nila Negro. Sa Buting San Joaquin (BSJ) Toda siya madalas nakapila.

Ayon kay Jane, walang naging problema sa pamamasada ang kanyang asawa hangang dumating ang araw ng ika-2 ng Agosto, nasabing taon.

Naabutan ni Jane ang dilaw nilang traysikel sa Elisco Rd. malapit sa Meralco… Pinalilibutan ng mga tao at BCEO ng Pasig---kung tawagin niya’y “Tsokoleyt Boys” Lumapit si Jane, “Nasaan ang asawa ko?” tanong niya.

Sa Rizal Medical Center (RMC) pinapunta si Jane. Naabutan niyang nakahiga sa ‘emergency room’ si Negro… duguan, may saksak sa kaliwang tagiliran…hirap sa paghinga. Habang nasa ospital, dinala ang lalakeng nakaposas, naka-asul  na t-shirt na noo’y hawak ng mga BCEO.

“Tinuro niya sa akin yung lalake. Yun daw ang sumaksak sa kanya,” pahayag ni Jane.

Kwento daw ni Negro, habang nagda-drayb siya papuntang Kalawaan. Nag-‘over take’ ang ‘single’ na motor. MIO Soul Model, kulay itim at may plakang 4212 NU. Minamaneho ni Jonathan Quilatan, 33 anyos---taga Taguig City.

“Sumabit daw ang manibela nito sa siko ng mister ko kaya’t sumemplang ang kanyang motor… dito na nagkainitan,” wika ni Jane.

Nagkasisihan daw ang dalawa. Giit daw nitong si Jonathan ng magharap sila ng misis sa presinto, umiwas sa lubak itong si Negro kaya siya nasabit.

Dito nagalit si Jonathan kaya daw siya binalikan.

Base sa salaysay ng isa sa mga BCEO umawat sa gulo si Roel Caraquel, 25 anyos ng Bambang, Pasig. Binigay kay PO3 Rusthom Valdez sa Pasig City Police, Caniogan nung ika-2 ng Agosto 2012: Naka-duty siya nun bilang inspektor ng BCEO, kasalukuyang siyang nag-iikot sakay ng ‘trike mobile’… habang binabaybay niya ang kahabaan ng Elisco Rd. Nakita niya ang isang motorsiklo na nakatumba habang tinatayo ng isang lalake. Huminto siya at umasiste sa aksidente. Nakita niya ang isang traysikel na nakaparada sa daan.

Nagsisihan ang dalawang drayber…naging mainit ang pagtatalo nila kaya’t niradyohan na niya ang Mobile Car-11. Dumating si COP Braulio at umawat sa dalawang nagtatalo habang si COP Del Rosario ang nagta-trapik.

“Nung maawat namin  nagpunta ang isang drayber sa kanyang motorsiklo MIO 4212 NU at tinabi niya ito. Akala namin ayos na nang biglang sumugod itong drayber  (Jonathan Quilatan) saka pinagsasaksak si Gary Cruz. Agad kaming lumapit at inagaw ang screwdriver na hawak ng suspek,” ---laman ng salaysay.

Nakuha sa suspek ang  screwdriver na may 13.5 inches ang haba. Diretso kulungan si Jonathan habang ginamot sa ospital si Negro. Kritikal nung una ang kalagayan niya. Tumagos sa kaliwang baga ang screwdriver na pinang tarak.

Kinailangan siyang lagyan ng tubo sa tagiliran para sipsipin ang dugo sa baga at iwasan ang pamumuo. Mismong araw ng makalabas ng ospital si Negro siya rin daw piyansa nitong si Jonathan para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Tuloy naman ang pagsampa ng kasong Attempted Homicide nila Jane sa Prosecutor’s Office, Pasig City na agad naman naresolusyunang at inakyat sa kasong Frustrated Homicide ni Asst. City Prosec. Aileen Sabarre.

Una pa lang gusto na daw makipag-ayos ng ina ni Jonathan. Aminado si Jane na muntik na siyang madala sa alok nito subalit tuloy pa rin ang kasuhan.

“Sa totoo lang nakainom pa siya ng mangyari ang insidente. Pulang-pula pa mata niya…Attempted Homicide lang kinaso sa kanya buti nga’t ginawang Frustrated Homicide,” matigas na sabi ni Jane.

Sa kasalukuyan nasa RTC-Branch 155 na ang kaso nila Jane. Naka-dalawang pagdinig na rin sila nitong Hunyo at Agosto 28, 2013 at ‘di na sumipot pa si Jonathan.“Ang balita ko busy daw siya sa pagtakbo bilang kagawad sa Tipas-Taguig…” ayon kay Jane.

Gustong malaman ni Jane ang ligal na hakbang maari niyang gawin kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882KHZ(Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/Sabado 11:00-12:00NN).

 SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi namin maintidihan kung  bakit Frustrated Homicide ang sinampa gayung mismong isa sa mga BCEO na umawat sinabing nahinto na ang pagtatalo at bumalik itong si Jonathan. Sa madaling salita natapos na ang ‘aggression altercation’.

Pumapasok dito ang elemento ng ‘Murder’ na Treachery o pataksil at ‘use of superior strength’ (dahil sa meron siyang patalim).              Malinaw na kaya niya kinuha ang ‘screwdriver’ ay para patayin ang biktima subalit ‘di naisakatuparan o nabigong ang pagpatay (Frustrated Murder). Kung naagapan sana maaring mag-file ng Partial Motion for Reconsideration sina Jane subalit isang taon mahigit na mula ng mailabas ang resolution.

Tinanong namin si Jane kung ano na ba ang takbo ng kanilang kaso. Ayon sa kanya nasa ‘pretrial’ na at hindi daw sumipot itong si Jonathan. Ang dapat gawin ay makipag-ugnayan siya sa prosecutor na may hawak ng kasong ito. Hilingin na kanselahin ang inilagak na piyansa nitong akusado at maglabas ng “Bench Warrant” para sa mabilis niyang pagkahuli.

Pagdating naman sa pagtakbo nitong si Jonatahan bilang kagawad (kung totoo nga ito), hindi naman pwedeng pigilin si Jonathan hangga’t hindi pa siya “convicted”. Sakali naman lumabas ang desisyon ng kasong ito bago mag- ‘Barangay Elections’ at nahusgahan siya na “Guilty Beyond Reasonable Doubt” hindi siya maaring tumakbo at kung nanalo na siya pwede siyang masibak sa pwesto. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166 (Dahlia), 09213784392 (Carla), 09067578527 (Mig), 09198972854 (Monique). Tumawag sa 6387285 / 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

AGOSTO

BRVBAR

DAW

JANE

JONATHAN

NEGRO

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with