“WOWOWILLIE, child abuse na naman?”

NUNG IKA-6 ng Setyembre itinampok namin sa aming pitak ang kwento ni Lea, ang pitong taong gulang na binawian ng premyo sa programang Wowowillie pagkatapos nitong manalo ng 50, 000 PHP.

Nagpunta sila sa aming tanggapan para ikwento ang mga pangyayari.

Ika-18 ng Setyembre pumunta si Gng. Francisca Japitana, ang ina ni Lea sa Department of Trade and Industry (DTI) para dumalo sa kahuli-hulihang pamagitan (mediation).

Naging matigas pa rin ang panig ng Wil Productions at hindi ibinigay sa mag-ina ang perang kanilang binabawi kaya nagpasya na si Francisca na ituloy ang kaso laban sa programa.

Kinabukasan pumunta uli ang mag-ina sa aming tanggapan upang ipaalam ang nangyari. Binigay nila sa amin ang liham ni Mr. Jay Montelibano ang Head ng Wil Productions Inc. para sa DTI. Ang mga sumusunod ay ang naging laman ng kanyang liham:

 â€œDirector, sir, our program, Wowowillie, has helped countless contestants and individuals in the past and still continue to do so. We also have, under our Wil Foundation, scholars and beneficiaries whom we are currently helping by either sending them to school or by providing finances for medical assistance. To be of help to the needy is part of the vision and mission of our host, Willie Revillame, but that being said, we likewise cannot tolerate individuals who try to defraud us.”

Para sa patas at malinaw na pamamahayag, minarapat naming tawagan si Montelibano habang kami ay On-Air sa radio nang sa gayon ay malinawan ang lahat.

Una naming tinanong sa kanya ang tungkol di-umano sa waiver na pinirmahan nila Francisca nung unang sumali si Lea sa Willtime Bigtime. Kwento kasi ng mag-ina sa amin ay pwede pa raw ulit makasali ang contestant matapos ang anim na buwan kapag hindi sila nanalo at matapos naman ang isang taon kapag sila’y nanalo.

Sinagot ito ng Head ng Wil Productions at sabi niyang wala raw nakalagay na pwede ulit sumali sa mga pa-contest ni Willie kung sila’y sumali na.

“I don’t know actually kung saan nila nakukuha yung idea that they can still join again. Actually nung time na nag-me­diation hearing kami with DTI I also asked that of them,” sagot ni Montelibano.

Tinanong din namin siya kung merong DTI representative na nagbabantay sa mga palaro ng kanilang programa ngunit sabi niyang representative lang ng TV5 legal department ang nagbabantay sa mga palaro nila sapagkat wala naman silang “proof of purchase”.

“There’s no need for a DTI representative if there is no proof of purchase involved in a game. The game mechanics has to be registered in DTI,” tugon pa ni Montelibano.

Ito ay taliwas sa sinabi sa amin nila Lyn Carbonel at Ferdie Mamposte na kailangan may representative ng DTI kapag may palarong ganyan.

Tinanong din namin siya tungkol sa umanong pagpapahiyang ginawa ng isang staff niya sa mag-ina at sinabihang pwede silang i-demanda ng RA 7610 o “The Special Protection for a Child Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” dahil sa naging epekto ng pagtratong iyon sa bata.

Sinabi namin sa kanyang natatakot nang pumasok ang bata sa eskwela sapagkat tinutukso siyang mandadaya ng mga kaklase ngunit ang tugon pa rin ni Montelibano ay nagsinungaling sa kanila si Francisca.

Sa huli sinabihan namin si Montelibano na kausapin niya ang mga staff niya at maghanda na rin sa maaaring kasong isampa sa kanila ng bata.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Francisca at Lea Japitana.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES Ang kasalanan ng magulang ay hindi kasalanan ng anak. Bagama’t ipinaggigiitan ng panig ng Wil Productions na nagsinungaling sa kanila si Francisca hindi pa rin nila dapat pinahiya ang bata sa harap ng marami.

Na-trauma ang bata at sabi nitong ayaw na niyang pumasok sa eskwela sapagkat tinutukso siyang “mandaraya” ng kanyang mga kaklase. Nararapat ba yung gawin sa pitong taong gulang na bata?

Sinabi rin daw ng mediator ng DTI sa mag-inang wag na lang umano lumaban dahil wala naman silang ilalaban kaya’t makipag usap nalang daw sila ng maayos kay Montelibano.

Dahil sa hirap ng buhay inaalam pa nila Francisca kung magsasampa pa sila ng reklamo sa programang Wowowillie. Ang gusto lang naman kasi nila mula nung umpisa ay ang makuha kung ano ang nararapat na sa kanila. Ngayon ay patuloy silang nakikibaka para makuha ang hustisya.

Matatandaan na hindi ito ang unang beses na nasangkot ang programa ng sikat na komediente sa kasong bata ang ‘involved’. Sariwa pa sa isipan nating lahat ang reksyong ng mga tao nung isang sampung taong (yata) gulang na lalaki ang pinagiling giling sa tapat ng camera sa harap ng milyong televiewers.

Ngunit sa bandang huli, kahit may mga nagmamalasakit na grupo at handing ipaglaban ang nangyari sa bata, ano nangyari? Mismong mga magulang ang dumepensa sa kanilang anak.

Kung totoo ngang marami na kayong natulungan Mr. Jay Montelibano na mga tao dahil sa inyong programa, instrumento lang kayo. Ang tunay na nakakatulong ay ang mga advertisers kung saan utang ninyo ang kinikita na limpak-limpak na salapi sa pagsuporta sa inyo. Wag ninyong kunin ang kreditong hindi naman nagmula sa inyo.

Sinabi sa radyo ng bata na humihingi siya ng kahit pamasahe nila pauwi dahil nga wala na silang pera. Tinulungan ninyo ba?

Para kayong mga binge na hindi man lang pinakinggan ang pakiusap ng bata na nagmukhang pulubi na pinagtabuyan at hindi pinansin na lang.

Ang Wowowillie ang nakatakdang mawala na sa ere sa Oktubre-15 sa Channel 5. Kung sakaling makakabalik kayo sa ere, alalahanin ninyong ang kapakanan ng bata ang pangunahing pinoprotektahan ng ating estado.

“The welfare of the child is the primordial concern of the state.” Ito ay sa kadahilanan na wala silang kakayahan na ipagtanggol ang kanilang sarili at ang pangyayari tulad nito ay maaring makaapekto sa kanilang paglaki.

Kung sakaling gustong ituloy ng pamilya Japitana ang kaso, may handa kaming abogado na haharap at tutulong sa kanila sa laban na ito.

(KINALAP NI MIG KAREN RAMIREZ)

Sa gustong dumulog na mga biktima ng krimen at para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166 (Dahlia), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa tocal13@yahoo.com

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments