Paghandaan ang kabilang buhay!

ANG buod ng mga pagbasa ngayon ay ang kapighatian ayon sa ating kasalanan. Ito ay ang hindi natin paggawa ng kabutihan sa kapwa. Sabi ng Panginoon na kahabag-habag kayong namumuhay ng maginhawa, nahihiga sa magarang kama at nagpapakabusog sa masarap na pagkain.

Ang nangyayari sa ating bansa at sa buong daigdig ay paalaala sa atin ng Diyos upang maiwasan ang kasamaan. Pagnilayan nating mabuti ang mga kaganapan sa ating bansa. Pananalasa ng bagyo, kaguluhan sa Zamboanga, pork barrel scam at iba pa. Kawawang bansa! Magsisi na tayo sapagkat hindi natin alam ang mga mangyayari sa ating buhay.

Paalaala sa atin ni Pablo na mamuhay na tayo sa katwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Panatilihin nating mabisa at walang kapintasan hanggang sa pagdating ng Panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, ang naninirahan sa liwanag na di matitigan. Lagi nating pagnilayan ang pintuan ng langit ay ang Haring Araw. Kailanman ay hindi natin ito kayang titigan.

Ipinahayag sa atin ni Hesus sa ebanghelyo ang tungkol sa isang mayaman at pulubing si Lazaro. Marangya ang pananamit ng mayaman at sagana sa pagkain araw-araw. Si Lazaro naman ay tadtad ng sugat at namumulot ng mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman para may makain. Namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman. Nagdusa siya sa Hades, lugar ng mga apoy. Tumingala ang mayaman at natanaw si Abraham kasama si Lazaro, nagmakaawa siya rito na utusan si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang dila niya. Sinagot siya ni Abraham na wala na siyang puwang.

Kilala ng mayaman si Lazaro pero ngayon lamang niya na-bigyang pansin nang siya ay naghihirap na sa apoy na walang hanggan.  Walang nagawang kasalanan ang mayaman kay Lazaro, subalit ang pinaka-malaking kasalanan niyang naga-wa ay pagwawalambahala sa kapakanan ng kapwa.

Amos 6:1a,4-7; Salmo 145; 1Timoteo 6:11-16 at Lukas 16:19-31

 

Show comments