EDITORYAL - Ibalik na ang bitay

KALIWA’T kanan ang nangyayaring karumal- dumal na krimen sa kasalukuyan. Kapag lumabas ng bahay, walang kaseguruhan ang kaligtasan. Hindi naman maasahan ang pulisya sapagkat, mahina ang kanilang puwersa. Kahit malapit sa presinto ang nangyaring krimen, walang kamalay-malay ang mga pulis.

Karumal-dumal ang ginagawa ng mga kriminal sa biktima na pagkatapos nakawan o holdapin ay pinapatay pa. Wala nang awa ang mga kriminal na kahit mahinang babae at walang kalaban-laban ay kanilang pinapatay kahit pa nagmamakaawa. Mistulang demonyo na ang mga gumagawa ng ganitong krimen at dapat lamang parusahan nang mabigat kapag nahuli.

Halimbawa ay ang ginawang pagpatay sa advertising executive na si Kae Davantes noong nakaraang Setyembre 7. Ang mga pumatay sa kanya ay anim na kabataang lalaki na ang edad 19 hanggang 21. Lima na ang nahuli sa mga suspect at kasalukuyang hinahanap ang isa pa. Dinetalye ng mga suspect kung paano nila pinatay ang kawawang babae. Inabangan daw nila ito habang binubuksan ang gate ng bahay. Tinutukan nila ng baril at sapilitang sinakay sa kotse nito at dinala sa Tagaytay. Nasa isang kotse ang mga kasamahan nila. Kinuha raw nila ang laptop ng biktima. Nakilala raw nito ang isa nilang kasamahan kaya nila pinatay sa pamamagitan ng pagbigti ng cord ng laptop. Pinasakan din sa bibig. At ang kalunus-lunos ay sinaksak pa hanggang sa mamatay. Makaraang mapatay, dinala nila sa ilalim ng isang tulay sa Silang. Cavite.

Mga demonyo nga ang mga kabataang ito kaya nagawa ang karumal-dumal na pagpatay. Wala nang kinatatakutan ang mga demonyo lalo na kung nasa ilalim ng bawal na droga. Wala na silang pinangingi­lagan. Paulit-ulit na gagawa ng karumal-dumal at marami pang bibiktimahin.

Sa patuloy na pagdami ng krimen, panahon na para ibalik ang parusang kamatayan. I-lethal injec­tion ang mapapatunayang gumawa ng krimen. Kung ano ang inutang ay iyon din ang kabayaran. Kung hindi ibabalik ang death penalty, asahan nang dadami pa ang karumal-dumal na krimen at manga­ngamba ang mamamayan sa tuwing lalabas sila ng bahay particular ang mga kababaihan.

 

Show comments