AYON sa kalalabas lang na Social Weather Station (SWS) survey, ang satisfaction rating ng administrasyong Aquino ay pumaimbulog sa isang record high na 75 percent para sa unang quarter ng taong ito. Wow!
Huwag munang tataas ang kilay ang mga kritiko ng ating Pangulo. Maaaring batid mismo ng Pangulo na ang SWS survey ay hindi niya dapat labis na ikatuwa. Ito kasi ay ginawa noong pang Hunyo bago pumutok ang kontrobersya sa P10-Billion “pork barrel scandalâ€. Tanggapin o hindi ng Pangulo, ang scam na ito ay isang malaking bukol at blackeye sa kanyang pagkatao.
Wika nga nasagasaan na ang magandang resultang ito ng mga seryosong pangyayari na malamang magpadausdos sa rating ng Pangulo kung magsasagawa ng bagong survey ngayon.
Sa latest survey ng SWS, lumalabas na pito sa bawat sampung Pilipino ay kuntento sa pangkalahatang takbo ng pamahalaan samantalang siyam na porsyento lamang ang hindi kuntento. Kung ikukumpara sa nakalipas na survey, ito ay mas mataas ng 13 puntos na naitala nang tatlong buwan na mas maaga nang gawin ang survey na ito.
Maganda na sanang indikasyon ito dahil gaya nga ng nauna kong naisulat, ang gobyerno ay kasinlakas lang ng tiwalang ibinibigay dito ng taumbayan.
Kaso, ang 75 porsyentong tiwala na nakalap sa survey ay malamang biglang bumagsak dahil sa iskandalong nangyari tungkol sa paglustay umano ng ilang mambabatas sa kanilang Priority Assistance Development Fund (PDAF) na imbes pakinabangan ng mga mahihirap ay naibulsa umano ng mga tiwaling opisyal.
Sabihin man ng Pangulo na hindi siya kasangkot sa katiwalian, yun na ang nabuong impresyon sa isipan ng maraming mamamayan. Lalu pang nagpatingkad sa hinala ng mamamayan ang ilang sunud-sunod na larawan ng Pangulo na kasama ang sinasabing pork barrel scam mastermind na si Janet Lim Napoles.
Ito na marahil ang pinakamatinding hamon sa buhay ni P-Noy bilang Pangulo ng bansa.