‘Wowow-BOKYA’

IKA-6 NG SETYEMBRE ng ilathala namin sa aming pitak ang kwento ng pitong taong gulang na batang babaeng binawian ng premyo ng programang Wowowillie.

 Nung linggo ding iyon pumunta sa aming tanggapan ang isa pang nagrereklamo sa programa ito ni Willie Revillame.

“Nakilala namin si Aling Francisca Japitana sa DTI. Nakwento namin sa kanya ang aking problema. Inanyayahan niya kaming pumunta dito,” ani Jacquilyn Galdo, 18, taga Cavite.

Si Jacquilyn, o “Jac” para sa mga taong malalapit sa kanya ay bunso sa anim na anak nila Domingo Galdo, 57 at Paciencia Galdo, 58.

Truck driver ang kanyang ama samantalang nasa bahay lang ang ina kaya’t bata palang pinangarap na ni Jac na kumita ng malaki para sa mga magulang.

Noon pa ma’y hilig na ng dalaga ang manuod ng mga programa ni Willie. Sa kasalukuyan ay kumukuha si Jac ng kursong BS Tourism sa University of Perpetual Help System Delta – Molino.

Mayo ng taong ito unang nag-audition si Jac sa Wowowillie sa kategoryang “Campus Beauties.” Hindi siya pinalad mapasali sa mga maglalaro at naging back up lang ang dalaga.

Ika-17 ng Hulyo nag-audition muli si Jac sa ikalawang pagkakataon at napasama sa final 6 contestants.

Ika-22 ng Hulyo sumalang siya at naglaro ng “LIVE”.

Bago pa man maglaro’y pinaaalalahanan di umano sila ng staff ng programa na sundin lang kung anuman ang ipag-uutos sa kanila. Pag lumabag daw sila’y 50% agad ang ibabawas sa perang mapanalunan.

Sa larong Wheel of Fortune nanalo si Jac sa elimination round. Nakuha  agad niya ang 20, 000 php at pinangakuang bibigyan ng Wow! Magic Sing.

Nung commercial gap raw ay nilapitan siya ng mga co-hosts ni Willie na sila Mariel Rodriguez at Grace Lee. Tinanong siya ng mga ito kung anong kulay na pipiliin niya para sa “Pera’s Wil” ang jackpot portion ng programa.

Nagtaka si Jac dahil buong akala niya’y on-the-spot siya tatanungin ng kulay. Gusto niyang magsalita ngunit hindi na umimik pa dahil sa takot na bawasan ng 50% ang premyong mapapanalunan. Pinili ng dalaga ang kulay na fuchsia.

Pagka On-Air ay tinanong ulit siya ni Mariel at Grace. Sinabi pa ni Grace na tanungin niya muna ang mga kasama niya para makasiguro ngunit “fuchsia” pa din ang pinili niya.

Ilang segundo pa’y pumasok si Willie at sinabing  “Sandali, sandali. May problema tayo.  Nagulo ‘to, nagulo ‘to. Hindi. Hindi kayo pwedeng mag ganyan. May nagsabotahe dito. Eh lahat mali eh. Red, red. Ayusin nyong mabuti yan. Magulo yan. Ano ‘tong nangyari Jay? Ba’t di nyo binantayan to? Napaka sensitive nitong anong ‘to. Nagkamali. Yellow naging red ano ba naman yan?”

Nagsimulang mag-panic ang mga staff ng programa.  Biglang nag commercial gap para ayusin ang roleta. Pinaalis muna si Jac at ang kanyang mga kasama at pinapag-antay sa baba ng stage.

Nung mag on-air ay tinanong uli si Jac kung yun pa din ba ang pinipili niyang kulay. Sumagot siya ng “Oo.” Binuksan ni Willie ang kulay at BOKYA ang nakalagay.

Akala ni Jac tapos na ang laro ngunit sinabihan siya ni Willie na bibigyan siya ng pagkakataong mamili muli ng isa pang kulay. Pinili niya ang kulay na Green ngunit katulad ng nauna ay BOKYA pa din ang lumabas.

Pagkatapos ay pinapili pa ulit siya ni Willie ng kulay. Silver naman ang pinili niya. Binili ni Willie ang kulay na iyon sa halagang 30, 000 PHP ngunit nag-WIL pa din si Jac. Binuksan ni Willie ang pangatlong napiling kulay ni Jac at katulad nung dalawa’y BOKYA ulit ang lumabas.

Napapansin na ni Jac ang tension sa programa. Kahit may oras pa daw ay pinutol na agad ito.

Dahil sa kaguluhan ay hindi na rin niya nakuha ang Wow! Magic Sing. Umuwi ito ng walang ibang dala kundi ang 20, 000 PHP na napanalunan niya sa Elimination.

Nang magsilabasan sila ay pinagtitinginan di umano siya ng mga tao. Lahat daw ng mga ito’y nagbubulungang “nadaya” siya.

Pagkauwi ay pinanuod nila sa ‘you tube’ ang buong programa at kumbinsido silang nadaya nga sila. Nakita rin nila na habang iniinterview siya sa telebisyon ay inaayos ng mga lalake ang roleta. Napansin rin nilang may nalaglag na turnilyo galing sa roleta sa mga kulay na pinili niya. Agad na hinabol ito ng isang lalake na nag-aayos sa likod.

Kinabukasan ay pumunta silang mag-ina sa ‘Legal Department’ ng TV5 upang ipaalam ang nangyari. Sinabihan silang tatawagan ang Will Productions at ibabalita ito sa kanila ngunit isang linggo na ang nagdaan at di pa rin sila tinatawagan.

Nagpasya na silang humingi ng tulong sa Department of Trade and Industries (DTI) at sa mediation na nila nakuha ang Wow! Magic Sing na dala ng abogado ng Wowowillie na si Atty. Chino Paolo Roxas. Nakilala din nila sa araw na iyon ang inang nagrereklamo sa sinapit ng anak na si Francisca Japitana.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Jacquilyn Galdo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES Sumasali ang madaming tao sa programa ni Willie dahil sa ipinapakitang nitong mga malala­king papremyong ibinibigay niya sa mga nananalo.

Ngunit sa dalawang magkasunod na reklamo ukol sa programa niya, masasabi pa kaya ng masa na taos-puso ang pagtulong niya?

Bakit kaya tinanong ni Mariel at Grace sa contestant kung anong kulay ang pipiliin niya habang off-the-air? Dapat sa harap ng kamera at mga manonood ginagawa ito para walang duda na may palitan gaya ng kontrobersya noon ng si Willie ay nasa Channel 2.

Para tulungan si Jac kinausap namin si Usec Victor Dimaguiba at Lyn Carbonel ng DTI. Napag-alaman naming wala palang DTI permit ang programang ito ni Willie Revillame sa ganitong palaro kaya walang DTI representative na tumututok sa mga laro ng programa.

Para sa patas na pamamahayag tinatawagan namin ang Wil Productions ngunit bigo kaming makatanggap ng anumang impormasyon galing sa kanila.

“Handa akong ipaglaban ang aking karapatan dahil pakiramdam ko tinanggalan ako ng aking premyo na maiiuwi. Tama naman ang pili ko bakit hihintuin at dun mismo live magpapalitan,” tanong ni Jac.

Binigyan namin ng abogado itong si Jac para pag-aralan ang kanyang mga ‘legal options’ at kung sinu-sino ang irereklamo sa programang ‘yun. (KINALAP NI MIG KAREN RAMIREZ)

Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392, 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpuntasa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mulaLunes-Biyernes.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments