Hindi pa tapos si Nur Misuari

ILANG ulit ko nang sinabi na hangga’t patuloy na iitsapuwera ng pamahalaan si Moro National Liberation Front (MNLF) chair Nur Misuari talagang aabangan ang mga susunod na kabanata kung ano ang kanyang gagawin.

Noong nakaraang buwan, muli kong sinabi na kaila­ngang bantayan ng maigi si Misuari kasi tiyak may gagawin na naman siya upang  siya ay bigyang pansin hindi lang ng Aquino administration kundi maging ng Organization of Islamic Countries (OIC).

Naging hinaing ng MNLF ang hindi pagtupad ng pamahalaan sa ilang provisions ng 1996 final peace agreement na idinaing naman nila sa OIC. Kaya nga nagkaroon ng tripartite review upang maayos ang anumang issues na kailangang resolbahin ukol sa 1996 peace agreement.

Bukod sa grupo ni Misuari may dalawa pang factions ang MNLF na pinangunahan ni Muslimin Sema, at Habib Mujahab Hashim. Sa tatlo, si Misuari at si Hashim ang lantarang umaayaw sa ginawang Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB) na nilagdaan sa pagitan ng karibal na faction ng Moro Islamic Liberationt Front (MILF) at ng Aquino administration nitong nagdaang taon.

At isa pa, kahit anong gawin ng Aquino administration na pagpupumilit na lumagda ng final peace agreement sa pagitan ng MILF talagang imposible ito kung hindi aamendahan ang 1996 peace pact with the MNLF. Wala nang maiibigay na concession ang pamahalaan sa MILF na hindi na naibigay sa MNLF.

Kaya patuloy ang paghihimutok ni Misuari na pinaghinalaang nasa likod ng bakbakan sa Sulu na sinasabing acoustic warfare sa mga Abu Sayyaf at sinundan agad ito ng pagpupursige sa Sabah claim ng grupo ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III.

At ngayon at may higit 62,000 na evacuees  sa kasalukuyang labanan  sa pagitan ng government troops at MNLF forces sa Zamboanga City dahil na naman sa kagagawan ni Misuari.

Higit 53 na rin ang patay sa patuloy na standoff sa Zamboanga City. At kung makamit man ang tigil-putukan o sa ano mang paraan mareresolba ang Zamboanga siege, tiyak na hindi pa tapos si Misuari kung patuloy ang pag-deadma sa kanya ng pamahalaang Aquino.

Sinabi ni President Aquino na “Never Again” na mangyayari ang siege sa Zamboanga City. Sana naman patunayan ito ng Presidente hindi lamang sa pamamagitan ng military might ngunit sa paraan ding mapayapa gaya ng pakikipag-usap kay Misuari.

 

Show comments