INIUTOS ng local government ng Zamboanga ang pagÂlikas ng mga residente sa ilang lugar na apektado ng bakbakan ng mga sundalo at MNLF. Ito at para hindi na madagdagan ang mga bihag ng MNLF. Nasa 13,000 residente na ang umalis sa kanilang mga tahanan para iwasan ang gulo. Ang iba ay sa mga bangka na lang sumakay at nagpalutang-lutang para hindi mapahamak. Hirap na sila sa sitwasyon. Halos tumigil na ang buhay sa Zamboanga City. Kanselado ang mga flight at apektado ang ekonomiya. Iyan ang mga bunga ng gulong ito.
Nasa peligro pa ang 170 sibilyan na ginagamit na panangÂga ng MNLF. Limang araw na ang krisis na ito. Sari-saring impormasyon ang lumalabas mula sa Zam-boanga. May mga ulat na mga taga-suporta ni Nur Mi-suari, may mga ulat na wala raw basbas ni Misuari ang kumander ng grupong ito na nasa Zamboanga. Nahihirapan na ang mga residenteng lumikas. Tuloy pa rin ang putukan sa dalawang panig at 12 na ang kumpirmadong patay.
Base sa kasaysayan, habang tumatagal ang isang standoff, nagiging desperado na ang isang panig. Sa sitwasyong ito, ang MNLF ang nalalagay sa ganyang posisyon. Kaya mahalaga na magkaroon na ng pag-uusap para matapos na ang krisis, lalo na’t may mga bihag ang rebelde. Napapaligiran na sila, kaya tila lumiit na ang kanilang mundo. Kung mga tauhan nga ni Misuari, siya dapat ang kumausap sa kanyang kumander na sumuko na. Walang may gusto ng labanan, mapa-sundalo, rebelde at sibilyan.
Nagtungo si President Aquino sa Zamboanga para pag-aralan ang sitwasyon at para makausap ang kanyang mga heneral. Dalangin ng lahat ay matapos nang mapayapa ang krisis. Hindi ito kailangan ng Mindanao. Hindi ito kaila-ngan ng bansa. Masasayang ang lahat nang tagumpay ng bansa kung mababahiran na naman ng rebelyon.