MAY mga haka-haka na ang nangyayaring krisis sa Zamboanga City kaugnay ng paglusob ng MNLF ay diversionary tactic ng goberno. Para daw pagtakpan ang naghuhumiyaw na isyu sa pork barrel na nagdadawit sa pangalan ng ating mga pinagpipitaganang mambabatas.
Sa hamak kong palagay, hindi totoo ang ganitong sapantaha. Hindi makikipagkutsaba ang MNLF sa ganyang buktot na intensyon dahil sila man ay naghihimagsik sa kakulangan ng aksyon ng gobyerno para sa kanilang kapakanan.
Alam natin na ang dahilan ng malaon nang rebellion ng mga kababayan nating Muslim ay dulot ng kawalan ng kaunlaran sa ilang bahagi ng Mindanao. Diyan isinilang ang secessionist movement ng mga kababayan natin na nag-aaklas para maging inependiyenteng bansa.
Kung mag-iisip tayong mabuti, lalung kukulo ang dugo natin dahil sa kabila ng ganyang problema ay may mga pinagkatiwalaan tayong opisyal ng gobyerno na nakiki-pagsabwatan sa mga pribadong indibidwal upang limasin ang salapi ng bayan. Salaping galing sa ating ibinabayad na buwis. Huwag na nating tingnan ang kalagayan sa Mindanao na sinasabing sa napakaraming dekada ay hindi man lang nakatikim ni kaunting ginhawa.
Tumingin na lang tayo sa ating paligid at makikita natin ang mga taong ginawa nang residente ang mga bangketa. Doon na sila nagsasalusalo sa pagkaing mula sa basura. Doon na rin sama-samang natutulog.
Sa personal na pagharap ng whistle-blower na si Ben Hur Luy sa Senado, nakumprima natin ang pag-iral ng mga ghost projects at bogus NGOs na pinaglaanan ng bilyung-piso ng ating mga mambabatas, pero ang singkwenta porsyento pala ng pondo ay diretsang sa bulsa nila napunta!
Kung iisipin natin, hindi lang dapat malversation o plunder ang ikaso sa mga idinadawit na mambabatas kapag mayroon nang probable cause kundi treason. Kataksilan sa mga taong nagtiwala sa kanila.
Ipagdasal natin na seryoso at walang bahid na biro ang ginagawang pagtukoy sa mga tiwaling opisyal upang ang mga ito’y maparusahan nang huwag na muling pamarisan. Ano mang partido ang kinsasapian, lahat ng guilty party ay dapat managot. ginagawang pagtukoy sa mga tiwaling opisyal upang ang mga ito’y maparusahan nang huwag na mu-ling pamarisan. Ano mang partido ang kinsasapian, lahat ng guilty party ay dapat managot.