^

PSN Opinyon

‘Wowow-bawi’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

 ISINUOT NIYA ang pinakamagarang damit. Nag-ayos ng todo at nagpalakad-lakad na para bang model sa entablado.  Ang pitong taong gulang na batang ito’y handang-handa nang sumabak sa isang contest sa telebisyon.         

Lumapit sa aming tanggapan si Gng. Francisca Japitana, 48, at ipinagmamalaki niyang ipinakita sa amin ang isang video na kuha niya sa kanyang cellphone.

Sa video makikitang ang bunso niyang si Lea (di niya tunay na pangalan), pitong taong gulang ay nanalo ng jackpot prize na 50, 000 php sa “WHEEL OF FURTUNE” isang segment ng Wowowillie ni Willie Revillame.

Hindi pa man lumalapat ang mga paa nila sa lupa sa pagkakapanalo ni Lea nang biglang kausapin sila ng ‘staff’ ni Revillame at sinabing kelangan munang kunin ang pera para magawan ng resibo.

Ibinigay ni Francisca ang napanalunan pero pagkaraan pa ng ilang oras ay hindi pa rin naibabalik sa kanila ang premyo.

Kinompronta ng mag-ina ang staff ng programa ngunit sinigawan lang daw sila at ipinagtabuyan. Wala silang ibang nagawa kundi umuwi ng hindi nadadala ang premyong napanalunan.

Walang trabaho si Francisca habang nag-aayos ng mga sirang upuan (upholstery) ang asawang si Santiago.  Lima ang kanilang anak na umaasa sa kanila.

Ang bunso na lamang nila ang nag-aaral habang ang apat ay hindi rin nakapagtapos dahil sa kahirapan. Si Lea daw ang bukod tanging anak niyang nangako kay Francisca na iaahon ang pamilya sa salat na pamumuhay.

“Bata pa lang siya lagi na niya akong pinipilit na samahan ko siyang mag-audition sa Wowowillie. Gusto daw kasi niya manalo para makatulong sa amin,” kwento pa ni Francisca.

February 18, 2012 nang unang nakasali si Lea sa programang Wiltime Bigtime. Umabot siya ng final six pero hindi siya pinalad manalo. Gayun pa man, kasiyahan na rin ang naibigay sa pamilya ni Lea ng iuwi niya ang 10, 000 php na consolation prize.

Bagama’t bigong makuha ang inaasam na jackpot ay hindi nawalan si Lea ng pag-asang sumali muli sa programa. Yun nga lang kinailangan niyang mag-antay ng anim na buwan pa bago uli makapag-audition dahil sa napirmahang ‘waiver.’

Makalipas umano ng isang taon, April 15, 2013, matapos siyang sumali sa ‘Wiltime Bigtime’, inimbitahan ulit siya ng programa (sa bagong pangalan nitong WOWOWILLIE) na pumunta sa studio upang maging “back up.” Ngunit hindi rin siya napabilang sa final 6 at nabigo muling maiuwi ang panalo.

April 27 ng parehong taon napanuod nila sa tv na nagpapa-audition ang Wowowillie ng mga “batang may honor” para sa segement nitong Wheel of Fortune. Dahil top 6 si Lea sa klase sinubukan muli nilang mag-inang mag-audition.

Sa pangalawang pagkakataon, nakapaglaro muli si Lea sa patimpalak. Swinerte naman siya sa pagkakataong ito dahil siya ang nakapaglaro sa Pera o Wheel, ang jackpot portion ng programa.

Nabigo man ang batang maiuwi ang 1 Million at house and lot, masaya na sila sa nakuhang 50, 000 PHP.

Pauwi na sana ang mag-ina ng kausapin sila ng staff at hingiin ang pera dahil gagawan ng resibo kaya hindi nagdalawang-isip si Francisca na ibigay ang ito.

Nagsisiuwian na raw lahat at hindi pa rin naibabalik sa kanila ang pera. Nagsimula nang kutuban ng masama si Francisca. Lumapit siya sa isang ‘staff’ at tinanong kung nasaan na ang 50, 000 PHP nila. Ang sabi lang daw nito’y hindi na ibabalik yung pera sa kanila dahil sila’y nagsinungaling.

“Ang katwiran nila sa akin, dahil di raw ako nagsabing nakapaglaro na ang anak ko sa  programa kaya hindi na daw mapapasaamin muli ang peremyo,” wika ni Francisca.

“Eh ang sa ‘kin hindi ko na sinabi dahil may waiver na naman kaming napirmahan at sabing  pagkatapos ng anim na buwan ay pwede na ulit makasali,” dagdag niya.

Pinilit daw nilang magpaliwanag sa mga ‘staff’ ngunit naging mga bingi ito sa kanyang mga hinaing nila.

Hindi nila alam kung saan sila pupunta o lalapit kaya’t dumaan ang ilang buwan matapos ang insidente, naisipan nilang pumunta sa aming tanggapan upang humingi ng saklolo.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Francisca Japitana.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES Sinabi ni Francisca na pumirma sila ng waiver nang una silang sumali sa Wiltime Bigtime. Nakasaad di umano sa waiver na iyon na ang sinumang contestant na hindi nanalo ay pwede ulit makasali pagkatapos ng anim na buwan samantalang ang nanalo naman ay pagkatapos ng isang taon.

Maliwanag pa sa mga ilaw sa studio ang ‘mechanics’ ng laro. Sila mismo ang lumalabag sa mga regulasyon na kanilang ginawa.

Nagpalit na rin ngayon ng pangalan ang Wiltime Bigtime. Ito’y naging Wowowillie na. May pagbabago na ba ang mga ‘mechanics’ ng kanilang mga palaro?

Para sa patas na pamamahayag, minarapat naming kunin ang panig ng Wil Productions ukol sa reklamo ng mag-inang Francisca at Lea Japitana. Sinabi naman ng isang staff doon na iimbestigahan niya ang kaso ng mag-ina.

Para mas matulungan ang mag-ina, binigyan namin sila ng referral letter sa Department of Trade and Industries (DTI) at ipinakausap kay Director Victor Dimagiba , ang OIC ng Bureau of Trade Regulation & Consumer Protection.

Sinulatan naman ni Director Dimagiba ang Wowowillie para mapagharap ang magkabilang panig. Magkakaroon sila ng  pagkakataon na maganap ito at aming ibabalita sa mga susunod na araw kung ano ang mga nangyari ukol sa mga usaping ito.

“Hanggang ngayon iniiyakan pa rin ng aking anak ang kahihiyang tinaggap niya sa pagsali sa programang Wowowillie. Naging usapan at tampulan ng biro ng kanyang mga kaibigan at kaklase at tinatawag siyang mandaraya. Hinihiling namin sa inyo na mabigyan ng hustisya ang aming anak hindi lamang dahil sa pera kundi dahil sa sinapit niya sa insidenteng ito na sa palagay ko kailanman, kahit tumanda pa siya, di na niya makakalimutan,” sabi ni Francisca Japitana.

(KINALAP NI MIG KAREN RAMIREZ)

Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166 (Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa [email protected] Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

DAHIL

FRANCISCA

NIYA

SILA

WILTIME BIGTIME

WOWOWILLIE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with