^

PSN Opinyon

‘Biningwit na OFW’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

HINIWALAY niya ang ulo ng sugpo…ibinalot at ibinuhol.

“What’s that?” tanong ng amo na noo’y nakakunot na ang noo.

Itatago na sana ng ‘cook’ na si Flordeluna Santos o “Flor”, 33 taong gulang ang ulo ng sugpo para sabawan at gawing gabihan subalit diniretso ito ng kanyang amo sa basurahan.

“Wala namang makakain ang asawa ko, kaya pagtalikod ng amo kinuha niya ang ulo ng sugpo sa basurahan,” kwento ni ‘Ian’.

Nagsadya sa aming tanggapan si Christian ‘Ian’ Santos, 34 anyos asawa ng Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait.

Parehong taga Taytay Rizal sina Ian at Flor. Dise otso anyos si Ian habang 17 taong gulang naman si Flor ng maging sila.

Computer Science Student nun si Ian sa Jose Rizal University habang kumukuha naman ng Secretarial Course si Flor. Nang matigil sa pag-aaral si Ian, umekstra siya sa pagpipintura sa amang si Benny---isang pintor. Nakapagtapos naman ng 2-year course si Flor.

Makalipas ang apat na taon, nagdesisyon sina Ian at Flor na magpakasal. Hindi pa nila nakikita ang pari at altar nabuntis na itong si Flor.

Ika-29 ng Setyembre 2001, kinasal sila sa John the Baptist Church, Taytay. Oktubre 29 parehong taon pinanganak ang kanilang panganay.

Tumuloy sila sa amang si Benny matapos partehin ang kanilang bahay.

Taga- ‘air brush’ ang naging trabaho ni Ian. Si Flor naman pumasok sa mga ‘factory’ ng damit bilang quality control. 

Taong 2002, nagplano ng mapunta sa Taiwan si Flor para magtrabaho. Inilihim niya ito kay Ian subalit nahuli rin siya matapos nitong makita ang pasaporte ng asawa at ilang dokumentong kailangang para makalabas ang bansa.

“Hindi ako pumayag. Isang taon pa lang ang anak namin nun. Nag-isip ako ng paraan para mas kumita,” pahayag ni Ian.

Naglabas ng traysikel si Ian. Nang makaipon silang mag-asawa bumili sila ng sarili nilang pampasada.  Guminhawa kahit papaano ang buhay nila. Naging ‘encoder’ si Flor sa Jags Commercial. Limang taon siya rito.

Taong 2011, nasundan ang kanilang anak. Muling nagdesisyon si Flor  na magtrabaho sa ibang bansa. Alam ni Flor na hindi siya papayagan ng mister pero sa pagkakataong ito wala ng nagawa si Ian.

“Iniisip niya pag-aaral ng panganay namin at paglaki ng bunso namin…” wika ni Ian.          

Naghanap si Flor ng ahensya sa Ermita, Manila. Dito niya natagpuan ang Sun Flower Agency. Abril 2012 ng sinimulang ayusin ni Flor ang kanyang mga papeles. Ika-20 ng Mayo 2012 ng makapunta siya sa Kuwait bilang cook.

“Pa, isang kontrata lang… gusto ko lang makaipon,” sabi ni Flor.

Maayos ang naging trato ng amo ni Flor at anim nitong anak sa kanya at isa pang Pinay DH sa Kuwait. Kumikita siya ng Php12,000 kada buwan.

Enero taong kasalukuyan, nagsimula ng magsumbong ang Pinay. Hindi na raw sila pinapakain…namumulot na raw sila sa basurahan.

Maging mga anak ng kanyang amo nagagawa raw na siyang murahin at batuhin ng sapatos kapag ‘di nasunod ang kanilang utos.

Ala una ng umaga na rin siya natutulog sa dami ng trabaho.

Isang araw, tumawag si Flor kay Ian at sinabing, “Pa, magpapabalik na ako sa agency. Naka isang taon na naman ako sa amo ko. Kung pagbabayarin ako maliit na lang siguro, kung papauwin nila ko mas maganda…”

Pinaalam ni Flor ang planong pag-alis sa amo. Ibinalik naman daw siya sa ahensya ayon kay Ian. Hunyo 2013, pagbalik sa Sun Flower ibinenta umano siya sa ibang ahensya.“Pati cellphone ng asawa ko kinuha raw nila,” sabi ni Ian.

Ilang araw makalipas, bigla na lang nag-‘chat’ sa Facebook (FB) si Flor. Kwento niya sa asawa. Dinala siya sa isang lugar na puro gamot at tuwalya.

“Sa takot ng asawa ko, tumakas siya mismong araw na yun,” sabi ni Ian.

Nanakbo siya palabas at nakasalubong niya ang isang ‘Nepalis National’ at nanghingi ng saklolo. Dinala siya nito sa isang ‘food chain’ sa Kuwait may mga ‘Pinoy crews’. Nakahinga ng maluwag si Flor. Pinahiram siya ng cellphone at dun nag-internet… chinat na niya sa FB ang asawa.“Pa, bukas dadalhin ako ng mga Pinoy na tumulong sa akin sa embassy,” balita ni Flor.

Ika-29 ng Hunyo 2013, pinahiram ng isang nagmalasakit na Pinoy ang kanyang cellphone kay Flor. Tinawagan niya si Ian habang siya’y nasa embahada.

“Papa, dito na ako embahada. Tulungan mo ko… gusto ko na talaga umuwi…” umiiyak na pakiusap ng misis.

Nakibalita si Ian sa ibang Pinoy na nasa embahada at sinabi sa kanyang ‘wag mag-alala dahil ligtas si Flor dun subalit mula buwan ng Hunyo hindi na tumawag pa sa kanya ang misis kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan.

Itinampok namin si Ian sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

BILANG agarang aksyon, kinapayaman namin sa radyo si Sr. Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Sinabi ni Usec. na hindi basta pwedeng ibenta ng isang ahensya ang kanilang ni- ‘recruit’ sa ibang ahensya. Ipinaliwanag namin na maaring ang nangyari dito, tumakas si Flor sa amo, nireklamo siya nito kaya’t sa embassy siya nauwi.

“Ang nangyayari kasi sa mga kababayan natin sa ibang bansa kapag nagkakatipon sila, magrereklamo ang isa… mababa ang pasahod ko, tapos sasabihin naman ng isa… dito ka na lang malaki sahod dito,” ani Usec. Seguis.

Para matiyak kung nasa kostudiya pa ng embahada itong si Flor, pina-‘email’ ni Usec. Seguis ang impormasyon ni Flor para maibigay kay Consul General Raul Dado ng Kuwait at malaman ang kalagayan ng Pinay.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa kagustuhang kumita ng mas malaki marami sa ating mga kababayang OFW ang umaalis sa kanilang employer  at lumilipat sa ibang amo na mas malaki ang bigay. Isang taon na ring nagtiyaga itong si Flor ilang buwan na lang sana matatapos na ang dalawang taong kontrata. Sa halip na umalis, dapat nagtiis na lang siya ng kaunti pa. Ito’y para rin magkaroon siya ng maayos na ‘exit’ sa kanyang dating employer.

Uso sa Gitnang Silangang ang kasuhan ng ‘Qualified Theft’ sa mga OFW’s na tumatakas. Kakasuhan ka talaga nila. Kadalasan nahuhuli ang mga OFW’s na may kaso dahil nilalaglag ng mga kapwa Pinoy ang kanilang kinaroroonan.

Hindi basta-basta ang pag-alis sa inyong employer na ‘di tapos ang kontrata lalo na’t ang parehong pangalan ng employer ang nakalagay sa ‘Iqama’ (work permit). Ang paglabag dito ay may karampatang parusa na naghihintay sa ating mga OFW’s. Hindi naman ang iyong agency ang magdurusa kundi ikaw mismo.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA biktima ng krimen o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique). Tumawag sa 6387285 at 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

AMO

BRVBAR

FLOR

IAN

ISANG

PINOY

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with