Habagat
“Habagat’’ ang aking palayaw sa nayon
Pagka’t ang tapang ko’y kinilala noon;
Sa bawa’t paglusob sa kampo ng Hapon
Sa pangunguna ko Sakang nalilipol!
At ngayong tapos na madugong labanan
Akong si “Habagat†minahal ng bayan;
Salanta at api ay tinutulungan
Iginalang akong isang makabayan!
May mga okasyong ako’y laging tampok
Pagka’t sa pagtulong hindi nagdaramot;
Ang mga salaring sa krimen ay sangkot –
Ay nadarakip ko at pinananagot!
Mga lider ngayon sa lunsod at bayan
Sa mga problema ay ginagabayan;
Mga kandidatong tapat makatwiran
Sa aking pagtulong ay nagtatagumpay!
Isang kapangalan ang biglang dumating
Ito’y si Habagat malakas na hangin;
Taliwas sa aking magandang layunin
Itong si Habagat iba ang damdamin!
Maraming lupain sa nayon at lunsod
Dinalaw ng bagyo at ulang maharot;
Ngitngit ng panahon sa ati’y lumukob
Pagka’t tayong lahat sinubok ng Diyos!
Tapang ni Habagat ay lubhang malupit:
Lunsod, bayan, nayon lumubog sa tubig;
Itong si tukayo higit na mabagsik –
Ako’y tao lamang – siya’y taga-langit!
- Latest