EDITORYAL - Panahon na para ipasa ang FOI Bill
KUNG noon pa ipinasa ang Freedom of Information (FOI) Bill, maaaring napigilan ang paglustay sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o ang pork barrel ng mga mambabatas. Pero dahil nga ayaw ipasa at wala nang balak pang ipasa, nalustay nga ang pondo. Ito ngayon ang pinagngingingit ng sambayanan. Ang nakinabang ay ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles makaraang lumikha ng mga pekeng non-government organizations (NGOs). Limang senador at mahigit 20 kongresista ang inaakusahang lumustay ng pork barrel. Nang magkaroon ng “Million People March†sa Luneta noong Lunes, ipinakita ng mamamayan ang kanilang matinding galit sa mga lumustay ng pondo. Hiling nila ang pagbasura sa pork barrel. Hindi nila ikinatuwa ang pagbasura kuno sa PDAF ni President Aquino.
Ngayon ang tamang panahon para ipasa ang FOI Bill. Ito ang makapipigil sa paglustay ng pondo ng bayan. Nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Artcle III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Kung maipapasa ang FOI Bill, maaari nang magkaroon ng access ang mamamayan sa lahat ng mga programang ginagawa ng public officials. Malalaman na ng mamamayan kung paano ginagastos ng kanilang official ang pondo. Malalaman ng mamamayan kung ano ang mga pinasok na kontrata at mga kasunduan. Maaari na ring malaman ng mamamayan kung ano ang ginagawang programa ng public officials para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo.
Kung ayaw ni P-Noy na lubusang mabasura ang pinaglalawayang pork barrel, dapat suportahan naman niya ang FOI. Noong 2010 na nangangamÂpanya siya, susuportahan daw niya ito. Pero ngaÂyong nakaupo na, nawala na ang pangako. Paano pa makikita ang “tuwid na daan?â€
- Latest