SA laksa-laksang bilang ng mga taong nagsidalo sa anti-pork rally hindi lamang sa Luneta kundi sa iba’t ibang dako ng bansa, ano kaya ang totoong reaksyon ng ating mga opisyal ng pamahalaan?
Ang pork barrel ay maliit na bahagi lamang ng problema sa korapsyon. Marami pa ang dapat magbago. Puwedeng buwagin ang pork barrel o maaari ding baguhin ang mekanismo pero hangga’t ang mga namumuno ay may masamang intensyon, hindi pa rin mawawala ang korapsyon. Ang isang matapat na leader na may kasamang ilang matinong tagasunod ay hindi sapat para puksain ang katiwalian.
Ang kailangan lang ay isang bugok na itlog para mabugok ang buong system at manatili ang katiwalian sa pamahalaan. Just one single agent of evil within the loop can destroy goodness.
Halos kalahating milyong katao and dumalo sa rally. Pero maaga pa para ipagsigawan natin na ito ay tagumpay. Tayong mga taumbayan na nananawagan ng reporma ay kailangang maging mapagmatyag sa tuwina. Wika nga, eternal vigilance is what we need.
Tingnan natin ang mga tugong-hakbang ng pamahalaan sa ating panawagan laban sa korapsyon. At kung kailangang magtipun-tipong muli tulad nang naganap sa Luneta, gawin natin ito.
Sabi ng inter-agency body na nag-iimbestiga sa pork scam, walang sasantuhin sa ginagawang pagsisiyasat sa pork barrel scam. Pati ang mga kaalyado ng Pangulo na mapatunayang kasangkot ay parurusahan. Iyan ang mismong pahayag ni Ombudswoman Conchita Carpio Morales na kasama sa probe body na kinabibilangan din ng Department of Justice at Commission on Audit.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, tinitipon na ng NBI ang lahat ng ebidensya para siguruhin ang matibay na kasong maisasampa sa lahat ng kasangkot sa anomalya at kasama riyan ang ilang mambabatas sa Senado at Mababang Kapuluan. Sec. De Lima, umaasa po diyan ang buong sambayanan.