MAY dalawang bagyo sa hilagang bahagi ng Pilipinas na pinalakas ang habagat kaya maraming kababayan ang binaha kahapon lalo ang mga nasa mababang lugar. Maraming nangamba na maulit ang mala-Ondoy na pagbuhos ng ulan. Mabuti naman at hindi nagtuluy-tuloy. Pero kinansela ang klase sa lahat ng level sa Metro Manila. Mabuti dahil kawawa naman ang mga mag-aaral kung ma-stranded. Mga tanggapan ng gobyerno ay wala na ring trabaho. Pati mga opisina ay pinauwi ang kanilang empleyado.
Pero malinaw na wala pa rin talagang solusyon sa baha lalo sa Metro Manila. Pati mga pangunahing kalsada katulad ng SLEX sa may bandang Southwoods ay nagmistulang dagat. Hindi na yata dapat tinatawag na “highway†dahil binabaha! Mga ilang siyudad katulad ng Marikina ay mataas na naman ang baha. Sa Sta. Rosa, Laguna, mataas ang baha. May kilala ako na hindi nakapunta sa kanyang dialysis center dahil sa mataas na baha, kaya nangangamba na baka may mangyari sa kanya. Mga may sakit na kailangang dalhin sa ospital, may problema na rin dahil sa baha.
Pandagdag pa sa pangamba ng ilang residente ay ang pagpapakawala ng tubig sa apat na dam sa Luzon, ang Ipo sa Bulacan, Magat sa Isabela, Ambuklao at Binga sa Benguet. Kaya mga lugar na nasa tabi ng mga ilog kung saan dumadaloy ang tubig na galing sa mga dam ay binigyan na ng babala at baka umapaw ang ilog. Ilang proyekto na ng MMDA ang inilunsad para solusyonan ang problema ng baha, tila wala namang nangyayari. Ilang bilyon na siguro ang nagastos, o binulsa, depende sa humawak ng proyekto.
Ngayon pa lang talaga inaalis ang ilang mga informal settlers na nakatira sa tabi ng ilog at sapa. Kailangang gawin na para sa lahat ng ilog at sapa at baka may mga malalakas pang bagyong parating. Kung wala tayong pangmatagalang solusyon sa pagbabaha, wala tayong magagawa kundi ganito – magkansela ng pasok at trabaho, magsagip ng mga nangangailangan ng saklolo, magtiis kapag unti-unti nang gumagapang paloob ng tahanan ang baha at maglinis ng basura kapag tumigil na ang ulan at humupa na ang baha. Hindi ba nakakasawa na rin?