Bagal ng pag-unlad ibinibintang sa wika
NGAYON ay Araw ni Manuel L. Quezon, na nagtaguyod ng pagkakaroon at pagpapayabong ng Wikang Pambansa. At sa araw na ito magdedebate na naman ang mga dalubhasa tungkol sa papel ng wika sa kaunlaran ng ekonomiya at lipunan.
Halos nauulinigan na natin ang tema ng pagtatalo. Uulitin ng isang panig na udlot ang ating ekonomiya at lipunan dahil sa pagpilit ng pagtuturo sa wikang Filipino, imbis na sa Ingles na wikang pandaigdig. Igigiit nila na ibasura ang Filipino bilang wikang opisyal, at sanayin nang husto ang Pilipino, lalo na kabataan, sa Ingles.
Iwawasiwas ng panig na ito ang patuloy na paglubog ng edukasyon. Aba’y limang pamantasan sa Pilipinas na lang, kabilang ang state-run University of the Philippines, ang napabilang sa 300 pinaka-mahusay sa Asya, sa talaan ng Quacquarelli Symonds. Nu’ng nakaraang taon, 14 ang nakapasok sa QS na pamantasang Pilipino; 15 sila nu’ng 2011; 18 nu’ng 2010; 16 nu’ng 2009. Bukod sa U.P., na No. 67 mula dating 68, ang apat pang nakalusot nitong 2013 ay Ateneo de Manila (No. 109 mula 86), University of Santo Tomas (150 mula 148), De La Salle (151-160 mula 142), at University of Southern Philippines (nanatili sa 251-300).
Sa aking palagay, magkakamali ang mga kontra-Filipino kung gamitin ang ratings ng QS. Ito’y dahil umangat ang U.P., na pinaka-masugid sa pagtuturo sa wikang pambansa. Samantala, bumagsak ang maka-Ingles na Ateneo, UST, at De La Salle.
Sa pamantayan ng QS, bumaba o nabura sa listahan ang mga unibersidad na Pilipino dahil sa kahinaan sa science -- sa pagtuturo, sa pagsasaliksik, sa pasilidad, at sa dami ng faculty at estudyante. At bakit humina tayo
sa agham? Ito’y dahil, di tu lad ng sa ibang bansa sa Asia, ipinipilit natin ang pagtuturo ng science sa Ingles na alien sa damdamin natin. Sa ibang bansa — China, Taiwan, Korea, Japan, India — itinuturo ang science sa pinaghalong sarili at dayuhang wika.
- Latest