Si Quezon at ang Wika

Waring di na pansin nitong buong bansa

na ang buwang ito ay Buwan ng Wika;

At sa bansang ito’y may isang dakila

pamana sa atin ginintuang diwa!

 

Ang lalaking ito’y si Pangulong Quezon

ang Lupon sa Wika kanyang isinulong;

At una sa kanyang inadhika noon

ang wikang sarili ay dapat yumabong!

 

Ang wikang Tagalog ay kanyang ninais

na ito’y gamitin sa lahat ng saglit;

Sinabi pa niyang may pahat mang isip

ang wika’y mahalin ng buong pag-ibig!

 

Sa mga pangulong naglider sa bansa

siya lang ang unang nagmahal sa wika;

Habang hawak niya ang pamamahala

ay wikang sarili ang sinasalita!

 

Kung nagsasalita sa harap ng bayan

ang wikang sarili’y di nalilimutan;

Sa mga okasyong kanyang dinaluhan

talumpati niya’y sa wikang mayaman!

 

“Magandang umaga po, maraming salamat”

lagi n’yang pagbati sa dayo’t kabalat;

Sinabi pa n’yang “Tayo ay magtatag –

ng isang malaya – gintong Pilipinas!”

 

Noong bago siya nawalan ng buhay

nag-iwan ng sulat sa kanyang adjutant:

“Ang ating paglaya abot-kamay na lang

salubungin ninyong buong pagmamahal!”

Show comments