PALABAS na ang bagyong “Labuyoâ€, matapos magpatikim ng anghang sa bansa. Ang Camarines Sur ang unang nakaramdam ng hagupit ni Labuyo, bago tumuloy ng Casiguran, Aurora kung saan malaki ang danyos. Tatlo ang kumpirmadong patay, at marami pa ang nasaktan bukod sa ganap na pagkasira ng bayan.
Barado ang mga kalsada kaya lahat ng papasok na tulong ay sa pamamagitan lamang ng helicopter o barko. Wala ring kuryente ang lalawigan. Nakansela ang biyahe ng eroplano at mga barko. May mga nawawala pang mangingisda.
Ito ang pinaka-malakas na bagyong tumama sa Pilipinas ngayong taon. At nasa Agosto pa lang tayo. Siguradong may mga bagyo pang parating. Sana hindi na ganito kalakas.
Naging malinaw na naman na hindi pa tayo ganun kahanda para sa mga malalakas na bagyo, at may mga pasaway pa rin na ayaw makinig sa mga babala. Malaki pa rin ang pinsala sa buhay at pag-aari ang mga malalakas na bagyo, lalo na sa lalawigan. Mga tahanang gawa sa magagaan na materyales ay walang laban sa malakas na hangin.
Nag-iba na rin ang mga ruta ng mga bagyo. Kung dati ay kilala ang rehiyon ng Bicol na madalas tamaan ng mga bagyo, ngayon ay tila pataas na ang nagiging ruta kung saan ang mga lalawigan ng Aurora pataas hanggang Cagayan ang madalas tamaan. Kaya ito ang mga lugar na kailangang patibayin para sa bagyo.
Ito ang mga lugar na dapat pagandahin ang mga kagamitan pangkaligtasan tulad ng mga maliit na bangka na may motor. Kailangan palakasin din ang kanilang kakayanan para humarap sa mga kalamidad. Madalas ay kumikilos lamang kapag nagdeklara na ng state of calamity dahil naghihintay ng pondo.
Hindi maiiwasan ang mga bagyo, pero maiiwasan ang pinsala na dulot ng mga ito, kung magiging handa, at makikinig sa mga babala at payo mula sa gobyerno. Nagbabago na talaga ang klima ng mundo, kaya dapat sumasabay rin tayo sa pagbabago. Para hindi tayo nabiÂbigla kapag humahagupit na sa bansa.