SIYAM na ang namamatay sa pagsabog sa Cotabato City. Wala pang dalawang linggo nang sumabog din ang isang bomba sa Cagayan de Oro City kung saan anim naman ang namatay. Ayon sa imbestigasyon, tila may target ang bombang nilagay sa isang sasakyan. Nataon na dumadaan ang sasakyan ng Cotobato City administrator nang sumabog ang sasakyan na may bomba.
Namatay ang dalawang security escort na nakasakay sa ibang sasakyan, pero dahil bulletproof ang kanyang SUV ay hindi siya gaanong nasaktan. Tatlumpu ang nasaktan sa pagsabog, iba ay nasa ospital pa. Mabuti naman hinarang ng mga pulis sa Cotabato City ang crime scene. Hindi tulad ng ginawa sa Cagayan de Oro kung saan nilinis ang crime scene 12 oras pa lamang ang lumipas nang maganap ang pagsabog. Mas makakakuha na ng ebidensiya, para matukoy ang mga salarin.
Bagama’t ito ang unang pahayag, hindi pa ito matiyak kaya hindi pa rin isinasantabi ang ibang dahilan. Tulad ng pagsabog sa Cagayan de Oro, walang umangkin sa krimen. Marami ang nagtatanong kung may kaugnayan ang dalawang pagsabog sa babala ng Amerika sa lahat ng kanilang mamamayan at embahada, dahil may nalamang mga plano na target na naman sila ng terorismo mula sa mga panatiko tulad ng Al Qaeda at ang Taliban.
Ilang daang bilanggo ang nakatakas mula sa isang bilangguan sa Pakistan, nang inatake ng mga armadong tao. Mga may kaugnayan sa Al Qaeda ang mga nakatakas. Kaya baka magsimula raw na naman ang terorismo sa buong mundo, partikular sa Amerika at mga kaalyado nito. Kasama tayo roon.
Hindi natin kailangan ang ganitong sitwasyon, kung saan naglalabas ng mga babala ang ilang bansa ukol sa pagpunta sa Pilipinas. Kung kailan naman gumaganda ang ekonomiya para maging kaakit-akit sa mga kompanÂyang multinational at mga mamumuhunan ng negosyo, may babala naman hinggil sa terorismo.
Anuman ang tunay na dahilan ng pagsabog sa Cagayan de Oro at Cotabato City, kung may target o wala, kung terorismo o hindi, kung pulitika o hindi, hindi ito maganda para sa bansa. Kailangan matukoy ang mga nasa likod ng mga ito at maparusahan.
Kailangang makita ng mundo na hindi tayo mapapaluhod sa mga ganitong pangyayari.