‘Sa usok nasulasok’

SA puting papel nagkakabuhay ang ano mang kanyang maisip. Kapag mas matulis ang tasa ng lapis at maraming pilas ng mga papel…mas nagiging makatotohanan ang lahat ng kanyang iginuguhit.

“Iba ang imahinasyon ko kapag may tama ako. Arts ang trip ko,” ani ‘Jon-Jon’.

Bitbit ang guhit ng imahe ng ‘Birheng Maria’, diretsyang inamin ni Julius “Jon-Jon” Montealegre, 38 anyos na tumitira siya ng pinagbabawal na gamot (shabu). Ilang beses na siyang na- ‘rehab’ sa sobrang paggamit at ito din ang dahilan pagkawasak ng kanilang pamilya.

“Naalala ko nung unang gamit ko 1993 yun… tinuruan lang ako ng babeng nakilala ako. Pagtagal ako na ang nagturo,” wika ni Jon-Jon.

Taong 1994 pinakilala ng kaibigan ni Jon-Jon na si “Kulot” ang noo’y 19 anyos na si Mitos Cheddy Montealegre. Estudyante nun si Cheddy sa Far Eastern University. Kasalukuyan namang naghihintay si Jon-Jon na makaalis ng bansa matapos ipetisyon ng mga kinalak­hang magulang (umampon sa kanya) na sina Lolita at Apollo na nasa Los Angeles.

Una pa lang nagustuhan na ni Jon-Jon si Cheddy. Maganda, maputi’t malalim ang ‘dimples’. Ganito niya isinalarawan ang dalaga ng una sila magkita.

Dumiskarte agad si Jon-Jon at niligawan si Cheddy. Mabilis ang pangyayari. Sinagot siya nito at sa parehong taon nabuntis niya ang babae.

Hindi niya mapaalam sa mga magulang ni Cheddy ang kalagayan nito dahil sa takot kaya’t nagtanan sila.

Tumuloy sila sa Theresa, Rizal sa pamilya ng kanyang tunay na ina (biological mother) na si “Omeng” subalit araw lang ang tinagal nila run.

Wala ng mapuwestuhan ang dalawa kaya’t sinabi na ni Jon-Jon ang nangyari sa kanyang Ate Amabel. “Gusto mo na bang mag-asawa?” tanong ng kapatid.

Nang-umoo si Jon-Jon itinakda agad ang kanilang kasala ika-22 ng Mayo 1994 sa Sto. Rosario Church.

Tumuloy sila sa Dalig, Cardona Rizal sa biyenan. ‘Di nagtagal nakapagpatayo sila ng bahay sa lupa ng magulang ni Cheddy gamit ang naipong pera mula sa pakimkim.

Nagtrabaho bilang pahinante ng L300 van si Jon-Jon para mabuhay si Cheddy. Tatlong buwan makalipas naging drayber na siya.

Nung mga panahong doble kayod itong si Jon-Jon, ayon sa kanya tumigil siya sa paggamit subalit ‘di niya mapigilang sumusubok muli.

“Pati ang asawa ko halos pahithitin ko,” ayon kay Jon-Jon.

Nasundan ang kanilang anak taong 2001. Sa halip na magbago nalulon itong si Jon-Jon. Na-‘rehab’ siya sa Bicutan nung taong 2002.

Isang taon din siya nanatili dun kaya nagdesisyon si Cheddy na pumunta ng Ibaraki, Japan para magtrabaho bilang ‘packer’ ng mangkok.

Magkalayo man, maayos ang daw ang kumunikasyon nilang mag-asawa. Sa kataunayan umuwi pa si Cheddy taong 2004. Namuhay umano ng malinis itong si Jon-Jon matapos makalabas hangang bumalik ng Japan ang misis.

Nagpapadala ng apat na lapad si Cheddy para sa mag-aama.

“Nabagot na naman ako kaya nag-beer house ako. May nakilala akong dalawang babae,” kwento ni Jon-Jon.

Ayon kay Jon-Jon, ginamit niya minsan ang padala ng asawa sa pambabae kasama na ang kanyang bisyo. Balik ‘rehabilitation center’ si Jon-Jon.

Taong 2005 tuluyan siyang pinalayas ng kamag-anak ni Cheddy sa kanilang bahay. Naiwan ang dalawa niyang anak sa pangangalaga ng bayaw na si “Jojo”.

Tumuloy naman si Jon-Jon sa kanyang lolang si “Epitacia”. Humanap siya ng mapagkakakitaan. Naging ‘referee’ siya ng paliga. Nang magkaroon ng kaunting pera balik pagdo-droga si Jon-Jon.

Tuluyan daw inilayo ng biyenan ang mga anak. Taong 2006, unang lumapit sa aming tanggapan si Jon-Jon at nakausap niya daw ang aming dating ‘staff’ na si Jezza Balmeo. Sa tulong ng aming opisina nagkasundo si Jon-Jon at biyenan na bumalik siya sa napundar nilang bahay para ‘di tuluyang malayo sa mga anak.

“Sinusubukan ko namang magbago. Sa totoo lang nag-drive pa ako ng adventure. Yung kita ko pinambibili ko ng groceries para sa mga anak ko,” ayon kay Jon-Jon.

Isang taon rin daw nasa ayos ang buhay ni Jon-Jon subalit taong 2008 nabagot na naman daw siya kaya gumamit na naman  at binahay ang isang babaeng nakilala niya minsan sa kubo---kanyang pinagtambayan.

Nakarating ito kay Cheddy at nagkasira silang muli. Taong 2011, nagbakasyon ang misis sa Pinas. “Tapos na raw lahat ang sa amin. Alam ko na naman, ang mahirap lang kahit mga anak ko minsan hindi ako matanggap dahil nga lulong ako sa droga,” ani Jon-Jon.

Nitong huli, ika-30 ng Hulyo 2013, pinatawag sa barangay si Jon-Jon. Sumbong daw ng bilas niyang si “Jai Lei”, gabi ng Hulyo 29, lasing na lasing daw si Jon-Jon. Pumasok ito sa kanilang bahay at pinagmumura ang mga anak. Dahilan para ireklamo siya ng ‘Qualified Trespass to Dwelling’.

Depensa naman ni Jon-Jon, “Hindi po ako nagmura… pinagsasabihan ko lang ang mga anak ko dahil sumasama ang ugali. Pumasok po ako ng gate dahil gusto ko lang makita mga anak ko. Sinasarahan kasi nila ako.”

Inilalayo raw muli sa kanya ng pamilya ng kanyang asawa ang dalawang anak na nasa edad 18 at 10 taong gulang na ngayon. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin siya sa “CALVENTO FILES” sa radyo,“Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882khz(Lunes-Biyernes 3:00-4:00pm/Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tinanong namin si Jon-Jon kung kelan siya huling nagpa-‘drug test’. Sinabi niyang 2007 pa.

Pinaliwanag naming hindi madali ang kanyang gusto dahil kailangan niya muna patunayang hindi na siya gumagamit ng pinagbabawal na gamot.

Kailangan din ipakita niya na nasa tamang katinuan siya at ligtas ang kanyang dalawang anak na makasama siya lalo na’t meron siyang anak na dalaga (18 years old). Ang pinaka-epektibo ay sumailalim sa Neuro -Psycho Test at ipasa niya ang pagsubok na ito. Kapag nagawa niya at pumasa siya, malinis siyang humarap sa kanyang mga biyenan at makiusap kung maari mabisita ang mga anak.

Anumang uring ama kahit ano pa man siya, kapag nagbago na…hindi maaring tanggalan ng ‘visitation rights’ sa mga anak.

Pagdating sa 18 anyos niyang anak, hindi niya mapipiplit ang dalagitang ito kung ayaw niyang kausapin ang kanyang ama subalit ang menor de edad, may karapatan siyang makita ito.

Ang magandang gawin Jon-Jon, kausapin mo rin sila at sabihin ng diretso na sa kanila ka huhugot ng inspirasyon sa landas ng pagbabago para ‘di na gumamit pang muli ng pinagbabawal na droga. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog magpunta lang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Cellphone Nos. 09213263166 (Chen), 09213784392(Carla), 09198972854 (Monique). Landline Nos. 6387285 / 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854, Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

Show comments