AYON kay PNP Chief Director General Alan Purisima, rubout daw. Ayon kay DILG Sec. Mar Roxas, rubout daw. Ayon sa imbestigasyon ng NBI, rubout daw. At ayon sa isang pulis na naging state witness na, rubout daw. Kaya rubout na nga, di ba? Sa totoo lang, kahit hindi imbestigador ang makarinig ng balitang patay na si Cadavero at Panogalinga sa loob ng isang araw ng kanilang pagkahuli at pagpresenta sa publiko ay rubout kaagad ang iisipin. At habang nababasa ang mga detalye ng pagkuha sa kanilang dalawa matapos ipakita sa publiko, alam mong planado na ang kanilang kamatayan. Dinala sa malayo, madilim at hindi mataong lugar, at doon na sila tinapos. Ginawan ng kuwento pero hindi nabenta.
Sa ngayon, dalawang pulis na kasama sa grupo na nagdala sa dalawang miyembro ng Ozamis gang sa Laguna ang kakasuhan na ng murder. Dalawa lang? Pero ang dami nila sa grupong iyan! Ano ang kaso ng iba? Administratibo lang? Kapag nasibak na mula sa PNP, ano na ang gagawin nila? Hindi kaya maging isang kriminal na grupo na rin na may koneksyon pa sa PNP? Mas delikado ang ganitong grupo at may pagsasanay sila ng mga kilos at patakaran ng PNP. Kailangan kasuhan din sila at kasama sila sa pagplano at pagpapatupad ng plano. Ang sabi nga, may kasalanan din ang isang nakakita ng krimen at walang ginawa.
Isang pulis na umano’y kasama sa grupo na nagdala kina Cadavero at Panogalinga sa Laguna ay testigo na para sa gobyerno. May balita na may iba pang pulis na kasama sa Laguna ay gusto na ring maging testigo. Nakikita na siguro nila na wala nang takas mula sa krimen, at walang naniwala na sa kanilang bersyon ng mga pangyayari sa pagpatay sa dalawa. Ika nga, umaalis na ang mga daga mula sa lumulubog na barko. Dapat pag-aralan muna ng DOJ kung karapat-dapat silang maging testigo para sa gobyerno at baka ginagawa lang ito para makatakas sa parusa!
Kailangan malaman din ang pinaka-mataas na opisyal na sangkot sa insidenteng ito. May dahilan kung bakit agarang pinatay sina Cadavero at Panogalinga. Baka magsalita na at kung sino-sino sa PNP ang iturong kasama rin niya sa krimen, kapalit ang kanyang kalayaan. Mga pulis na nasa kanyang bulsa. Hindi pwede na ang dalawang pulis na kinasuhan na ang tanging mananagot sa krimen. Kundi, gagawa lang ng panibagong kriminal na grupo sa loob ng PNP ang hindi matukoy na pinuno. Hindi ko matanggal sa isip ko ang tatlong pulis na itinanghal at pinuri ni President Aquino sa kanyang SONA. Mga pulis na tapat sa trabaho. Hindi ko sila matanggal sa aking isip, kasi tatlo lang sila kumpara sa dami ng pulis na sangkot at akusado sa iba’t ibang krimen!