EDITORYAL - Kaya bang mareporma ang Bureau of Immigration?
HINDI lamang taga-Bureau of Customs ang naka-tikim nang masasakit na salita mula kay President Noynoy Aquino noong SONA, lumatay din ang mga binitiwan niyang pananalita sa mga taga-Bureau of Immigration. Nasagad na ang Presidente sa mga nakakahiya at kasuka-sukang nangyayari sa Immigration kaya nagpakawala nang matitinding birada. Sabi niya, “Sa Bureau of Immigration, paulit-ulit nating pinagsabihang ayusin ang pagbabantay sa ating mga daungan at paliparan. Pero paanong nakalabas ng bansa ang magkapatid na Joel at Mario Reyes, ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Gerry Ortega? Bakit nangyari pa rin na kitang-kita sa mismong CCTV ang pagtakas ng Koreano na si Park Sungjun? Wanted po siya sa Korea, at nanghingi ng tulong ang kanyang gobyerno upang hulihin siya. Anong mukha naman po ang ihaharap natin gayong mismong mga kawani ng ating gobyerno ang naghatid sa kanya at hinayaan siyang makatakas?
Bago ang SONA, pinrangka na ng Presidente si Immigration commissioner Ricardo David. Noong una, tinatanggi ng Immigration na papalitan na si David pero makaraan ang isang araw, nagbitiw na rin ang commissioner. Inako nito ang lahat nang mga kapalpakan sa kanyang tanggapan. Wala raw dapat sisihin kundi siya.
Maaari ngang siya ang sisihin sapagkat hindi niya kayang suwetuhin ang kanyang mga tauhan. May mga tauhan siyang nagpapatakas sa mga dayuhang may kaso kapalit nang malaking halaga ng pera. May mga agent ng Immigration ang namemera sa mga illegal na dayuhang namamalagi sa bansa. May taga-Immigration na ini-eskortan pa ang mga dayuhang may kaso para makalabas ng bansa.
Hinirang naman ng Presidente si Siegfred B. Mison bilang kapalit ni David. Malaking responsibilidad ang nakaatang kay Mison. Tanong: Kaya ba ni Mison na putulin ang pangil ng mga corrupt sa Immigration at magsagawa ng reporma? Kung magiging katulad din siya ni David, tandaan sana niya ang huling sinabi ng Presidente, “Kung hindi mo nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa pwesto.†Malinaw na malinaw ito. Gawin itong gabay sa tinanggap na posisyon.
- Latest