EDITORYAL - Kilos, PDEA

PALALA nang palala ang problema sa illegal na droga. Kahit sa mga liblib na lugar na hindi pa naaabot ng kuryente ay mayroon nang shabu. Mabilis ang pagkalat ng shabu at ginagawang halimaw ang mga kabataan. Pati mga traysikel drayber ay nagsa-shabu at ang kawawang pasaherong babae ang kanilang binibiktima.

Karaniwang Chinese nationals ang nagmamantine ng mga shabu laboratories sa bansa. Nakapagtataka naman kung paano nakapapasok sa bansa ang mga Chinese at nakapag-i-stay nang matagal dito. Sa tagal nang pag-stay, nakakapag-setup ng mga laboratoryo at walang pakundangan kung “magluto” ng shabu. Karaniwang sa mga exclusive subdivision, nangungupahan ang mga Chinese para hindi matunugan ang kanilang operasyon. Ina-advance nila ng isang taon ang bayad sa bahay para hindi maghinala ang may-ari. Ganyan ang ginawa ng mag-asawang Li Lan Yan alyas Jackson Dy at Wang Li Na. Ang dalawa ay nahuli noong nakaraang taon at ipiniit sa Cavite jail pero ni-rescue ng Ozamis robbery group habang patungo sa court hearing. Nadakip sila ng CIDG noong nakaraang linggo sa San Juan City.

Bukod sa mga Chinese, nakakapasok din sa bansa ang mga malalaking sindikato ng droga at sila ang rumi-recruit sa mga Pinoy para maging “drug mule”. Kadalasang sa China pumapasok ang mga Pinoy “drug mule”. Apat na Pinoy na ang nabitay sa China. Ang pinaka-huli ay ang isang Pinay na binitay noong nakaraang buwan.

Sa kabila naman na talamak ang problema sa droga, tila walang gaanong accomplishment ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pakikibaka sa drug syndicate. Kapansin-pansin na walang nadadakmang mga big time Chinese drug trafficker. Dahil kaya sa iringan ng mga namumuno at mga tauhan sa nasabing tanggapan? Hindi umano magkasundo ang PDEA chief at isang agent doon.

Noong Miyerkules, sinabi ng PDEA chief na laganap ang bentahan o drug deals sa malls. Nangyayari umano ang deal sa food court, comfort rooms at parking areas.

Kung tukoy nila ang mga nangyayari sa malls, bakit hindi agad magsagawa ng operasyon. Dakmain ang mga hinihinalang drug pusher! Habang nag-aatubili sa pagkilos, mabilis naman ang sindikato sa kanilang operasyon at naikakalat ang droga sa kabataan. Kailangang kumilos ang PDEA upang mapigilan ang mga salot sa lipunan. Isantabi ang bangayan.

Show comments