NANGANGAMBA ako sa mga sumasabog na mga kontrobersya sa ilang sangay ng ating pamahalaan. Dahil sa mga pangyayaring ito, sino pa ang ating puwedeng sandalan? Sino pa ang mapagkakatiwalaan?
Ang ating pulisya ay nasangkot sa maraming pagkakataon sa pagsa-salvage ng mga hinihinalang criminal. Sariwa pa sa alaala natin ang Atimonan rubout, ngayon naman ay ang pagliligpit sa mga kasapi ng Ozamiz robbery gang. Salamat naman at may aksyon agad ang pamahalaan. Sibak lahat ang mga opisyal at tauhan ng pulis na sangkot dito.
Sasabihin siguro ng iba, okay lang na iligpit ang mga iyan dahil salot sa lipunan. Pero teka, paano kung may ibang motibo sa pagpatay sa kanila? Paano kung ang mga pinatay ay may mga ibubulgar palang pagkakasangkot ng mga police officials sa kriminalidad? Ahh, ibang usapan iyan.
Ang mga nakalulungkot na insidenteng ito ay nagbibigay ng pangit na batik sa buong pamahalaan.
Ilang araw na rin nating paksa sa kolum na ito ang P10 pork barrel scam. Ito naman ay nagbigay ng pangit na imahe sa ilan sa ating mga mambabatas. Mantakin ninyong ang salapi ng taumbayan na nakapaloob sa mga “pork barrel†ng mambabatas ay ipinamudmod sa mga imbentong NGOs? Ginastos daw sa mga ghost projects sa halip na sa kapakanan ng mga nangangailangang mamamayan!
Kukulo ang dugo mo na imbes mapunta sa kapakanan ng mamamayan ang salapi ay sa mismong bulsa pala ng mga mambabatas napupunta ang pera. Tapos kapag luminga ka sa paligid, kay dami pa rin ng mga naghihirap. Marurungis at natutulog sa mga bangketa.
Nakawiwindang din ng dibdib malaman ng pati ang hustisya ay hindi naisisilbi ng mabilis. Tulad na lang ng apat na taon nang Maguindanao Massacre case na dito’y sangkot ang mga impluwensyal at masala-ping political figures. Hinala ng marami, gumagamit ng “power of money†ang mga nasasakdal para maka-iwas sa conviction.
Wala na tayong ibang mapagkakatiwalaan sa ngayon kundi ang Panginoong Diyos. Ipanalangin natin ang kalagayan ng bansa na nawa’y bumuti at mawala na ang mga nuknukan ng katiwalian sa gobyerno.