NOON pa marami nang napababalitang hindi maganda sa pork barrel ng mga senador at kongresista. May mga mambabatas na ginagamit ang kanilang pork barrel pero hindi naman pala para sa kapakinabangan ng kanilang mga nasasakupan. Nagagastos lamang sa mga walang kapararakang bagay ang pondo gayung pera ito ng taumbayan. Ang matindi, kumikita pa sa komisyon ang mga mambabatas dahil sila mismo ang nag-aapruba ng proyekto. Para mailabas ang kanilang pork barrel kailangan ay may proyektong paggagamitan. Dito sila kumikita nang limpak. Nagiging masagana sila sa perang ga-ling sa buwis ng taumbayan.
Ngayong nabulgar na may mga senador at mamÂbabatas na ginamit ang kanilang pork barrel sa pamamagitan ng mga dummy non-government organizations (NGO), nagpapakita lamang na ang pondong ito ay hindi maganda sapagkat pinagmumulan ng corruption. Nakakatakaw ang malaking pork barrel ng mga mambabatas kaya marami ang natutukso. Siguro dapat na ngang alisin ang pork barrel ng mga mambabatas. Kung magpapatuloy pa ito, lalo lamang darami ang mga mambabatas na maghahangad lamang nang maghahangad sa kanilang pork barrel. Kung walang nakikitang pagkukunan ng pondo o pera, walang matutuksong mambabatas.
Umano’y limang senador at 23 mambabatas ang sangkot sa P10-billion scam. Ipinagkakaloob nila ang pork barrel sa mga NGO na nilikha naman ng isang pribadong organisasyon. Isang senador ang sinasabing 22 beses nagbigay ng kanyang pork barrel sa mga NGO na lumalabas na dummy lamang. Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) ukol dito.
Ngayong pumasok na ang NBI sa pag-iimbestiga, nararapat na huwag silang tumigil para lumabas ang katotohanan sa kasong ito. Hindi sana ningas-kogon ang mangyari at halungkatin ang iba pang kasangkot sa scam na ito. Kailangang may mangyari sa pag-iimbestiga. Kung walang mangyayari at pawang pagdadaldalan lamang sa pagsisiyasat, mas mabuti pa kung tanggalin na lamang ang pork barrel. Mas mabuti ito para makaiwas sa pagkalugmok ang bayan.