Recruiters ang panagutin?

SA isang banda, may sentido ang sinabi ni Vice President Jojo Binay na ang mga recruiter ng binitay na Pinay drug mule sa China ang dapat arestuhin at papanagutin.

Ang payo ni Binay, makipagkoordina ang pamilya ng binitay na Pilipina sa NBI para matukoy kung sino ang recruiters para maaresto sa lalung madaling panahon.

Pero iyan ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Malamang manganib ang buhay ng pamilya ng binitay na Pilipina kapag ginawa ang ganyan.  Alalahanin natin na malaking drug syndicate ang kalaban na handang gawin ang kahit ano kapag inipit o naipit. Hindi local ang sindikatong ito kundi pandaigdig.

 Ayon sa pagbubulgar ng isang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent,  bilyun-bilyong dolyar (hindi piso) ang inilalabas ng international drug ring sa bansa taun-taon at ipinadadala sa China. Grabe ano? Sa China (na siyang pinagmumulan ng problema) ay binibitay ang mga Pilipinong kasabwat ng mga sindikatong Tsino.

Mahigit pa umano sa 20 Pilipino ang nasentensyahan ng bitay sa China pero masuwerteng nabigyan ng 2-taong reprieve. Kung magpapakita nang mabuting asal sa panahong iyan, posibleng maibaba sa habambuhay na pagkabilanggo ang hatol na bitay sa kanila.

Kahit pa maghigpit ang pamahalaan laban sa mga recruiters, makalulusot pa rin sila sa buktot na gawain hangga’t may mga Pilipinong naghahangad na kumita ng malaki sa mabuti o masamang paraan. Alam ng mga Pilipinong ito ang pinapasok na panganib pero okay lang. Mas mahalaga ang tsansa na magkamal sila ng limpak-limpak kahit pa itaya ang sariling buhay. Marahil ay nakapagpuslit na ng droga ang ilan sa mga kaba­bayan nating ito kaya ayaw tumigil hanggang sa matiklo sa dakong huli. Suma total: Naha­tulan sila ng bitay!

Ang bottomline? Kahirapan pa rin. Pero dapat mag-isip-sip mabuti ang mga kababayan nating dati nang drug mule o  nagbabalak maging drug mule. Pinakamahalaga pa rin ang buhay kaysa perang kikitain.  Ang droga ay isang pandaigdig na problema at hindi lang tayo ang dumaranas ng problemang kaakibat nito kundi marami.

Show comments