MAG-ASAWA sina Margie at Frank. At sa pagkakaalam ng kanilang mga kakilala at kaibigan ay masaya silang nagsasama. Katunayan nga ay nakatatak pa sa utak ng mga tao kung gaano kainit ang kanilang pag-iibi-gan bago pa nila naisipang magpakasal. Bongga ang kasalan kaya walang nag-akala na hindi ito magtatagal.
Nawala na ang ilusyon dahil ang makisig, guwapo at matikas na si Frank ay naging nerbiyoso at selosong asawa na hindi kayang makipagsabayan sa gabi-gabing paglalakwatsa ni Margie. Imbes na lumabas sa gabi at magkaroon ng nightlife, mas pinili ni Frank na ituloy na lang ang kanyang trabaho sa bahay. Sa madalas na paglalakwatsa ni Margie sa gabi ay bumagsak siya kay Archie. Pagkatapos ng limang taon at isang buwang pagsasama ay nilayasan ni Margie si Frank at nangupahan sa isang bahay sa subdivision. Doon ay madalas siyang dalawin ni Archie. Hindi nagtagal ay nagsama na sila sa bahay. Ang may-ari ay nakatira lang sa itaas na bahagi at ang buong akala ay mag-asawa ang dalawa. Sa maraming okasyon ay nakikita nito ang dalawa sa nakakahiyang tagpo na halos kapiranggot ang suot ni Margie at magkatabi pa silang natutulog ni Archie. Para sa lalaki ay normal lang ang lahat dahil binata siya at ang buong akala niya ay dalaga rin si Margie. Pero pumasok sa eksena si Frank at dinemanda sila ng adultery.
Napawalang-sala si Archie sa ginawang hiwalay na paglilitis dahil nga hindi niya alam na kasal na pala si Margie. Hiningi naman ni Margie na maabswelto siya sa kaso dahil nga walang sala naman si Archie. Ayon sa babae, para mahatulan sa kasong adultery, dapat daw ay dalawang tao ang napatunayan na nagkasala. Wala rin daw direktang katibayan sa krimen dahil walang naka-kita sa kanila na nasa aktong nagtatalik ni Archie. Tama ba ang argumento ni Margie?
MALI. Sa kasong adultery, hindi porke naabswelto ang lalaking kalaguyo ay lusot na rin ang babae. Kasi nga ay puwedeng isa sa dahilan na hindi naman alam ng lalaki na kasal na ang babaing karelasyon. Ang isa pang argumento ni Margie na wala naman daw makapagpapatunay na nagtalik sila ni Archie ay hindi katanggap-tanggap sa korte. Dahil sa kakaibang katangian ng kasong adultery o pangangalunya ay mahirap itong patunayan ng direktang ebidensiya. Pero kung may malakas at matibay na sirkumstansiya at pruweba na magtuturo sa isang tao na magkaroon ng konklusyon na sapat upang paniwalaan na nagawa ang krimen at dapat silang hatulan sa adultery ay puwede na.
Dito sa kasong ito ay sapat ang mga sirkumstansiyang nabanggit para ipakita na nagkaroon ng oportunidad ang dalawa na magawa ang mahalay nilang mga balak. Kaya ang sumatutal ay malaki ang posibilidad na nagtaksil sila at sapat ang ebidensiya para rito (U.S. vs. Feliciano, 36 Phil. 753).