Pambabastos sa pulong ng magkakapitbahay
ANG ASEAN foreign ministers’ meeting sa Brunei nitong nakaraang araw ay parang pulong ng isang neighborhood association. Inimbitahan ng sampung magkakapitbahay ang dalawang mayayaman at armadong taga-ibayong purok, sina Ching at Sam, para ikuwento ang mga balakin nila sa kapitbahayan. Laking gulat ng sampu nang biglang akusahan ni Ching ang isa sa kanila, si Pino, ng panggugulo. Inaangkin ni Ching ang palaisdaan sa gitna ng kapitbahayan, at ang paghadlang ni Pino sa kanya ay lumilikha lang umano ng sigalot. Mali raw ang pagtatanod ni Pino sa bahagi ng palaisdaan sa tapat ng bakuran niya, at ang paghikayat nito sa mga kapitbahay na bantayan din ang kani-kanilang karatig na bahagi. Paghahamon ng away din umano ang paghimok ni Pino sa mga kapitbahay na magkaisa para makipagkasundo si Ching sa kanila kung paano kikilos nang matuwid sa palaisdaan.
Matapos ang pambabastos ng bisitang si Ching sa pulong ng neighborhood association, tumayo si kasa-ping Pino. Mahinahon nitong ipinaliwanag na hindi siya nanggugulo dahil wala naman siyang lakas na pantapat kay Ching. Sa totoo nga, naghabla siya sa hukuman para ipa-husga kung tama o mali ang panghihimasok ni Ching sa palaisdaan ng kapitbahayan. Kung ipasya ng hukuman na tama si Ching, ani Pino na hindi na siya aangal. ‘Yun lang ‘yon. At iniabot ni Pino ang kanang kamay sa pakikipagkaibigan kay Ching. Nang talikuran si Pino ng huli, magiliw niyang inakbayan ito at sinabihang, “Walang personalan ito.â€
Samantala, walang kibo si Sam, na sa ibang kapitbahayan ay mahilig manghimasok. Dito sa purok ng ASEAN, tameme siya kay Ching. Hindi tuloy malaman ng sampung magkakapitbahay kung tunay siyang kaibigan o naghahanap lang ng dagliang pagkikitaan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest