AYON sa pag-aanalisa ng mga eksperto sa batas, aabutin daw ng 200 taon bago magkaroon ng resolusyon ang karumal-dumal na Maguindanao massacre. Sa takbo ng mga pangyayari na mabagal ang pag-usad ng paglilitis sa kaso, maaaring magkatotoo nga ang mga pag-analisa. Mag-aapat na taon na ang Maguindanao massacre sa darating na Nobyembre 23, pero hanggang ngayon ay wala pang nararating. Ang masaklap, ang mga testigo sa karumal-dumal na sama-samang pagpatay ay pinatay na rin. Ang iba ay nawawala na rin umano.
Limampu’t walo ang pinatay sa Ampatuan, Maguindanao at 30 rito ay mga mamamahayag. Hinarang ang convoy ng mga biktima na magpa-file ng kandidatura ni Ismail Mangudadatu para governor ng probinsiya. Pinagbabaril. Nang patay na lahat, inihulog ang mga bangkay sa isang sinadyang malalim na hukay gamit ang isang backhoe. Ang mga sasakyan ay inihulog din kahit may mga tao sa loob. Dinikdik pa ng backhoe ang mga sasakyan makaraang ihulog sa hukay.
Ang operator ng backhoe ay nakilalang si Bong Andal. Lumantad sa GMA-7 News si Andal noong Martes at isinalaysay ang kanyang ginawang pagÂlilibing sa mga bangkay gamit ang backhoe. Iyon umano ang utos ni Andal Ampatuan Sr. Ayon kay Andal, ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata habang dinidikdik ng backhoe ang mga sasakyan na may tao sa loob. Sinabi niya sa exclusive interview na nakahanda siyang mag-testify sa Ampatuan clan. Hinihiling niya na maging state witness. Kailangan umano niya ang proteksiyon ng gobyerno.
Kung mabibigyan ng proteksiyon si Andal at magiging state witness, maaaring hindi na abutin ng 200 taon ang kaso. Sa bigat ng kanyang testimonya, maaaring madiin ang mga akusado na kinabibila-ngan ng mag-aamang Ampatuan at marami pang iba. Pero sabi ng Department of Justice, nasa Witness Protection Program (WPP) na si Andal subalit iyon ay provisional at partial basis lamang. Hindi na nagbigay pa ng paliwanag ang justice department.
Kamakailan, umugong ang balitang may mga kaanak ng biktima na nakikipag-ayos sa mga akusado kapalit ang pera. Hahayaan ba ng gobyerno na umabot sa ganito ang lahat? May mabigat namang testigo kaya nararapat umusad nang mabilis ang kaso. Ipakitang may hustisya sa bansang ito at hindi pera ang nangingibabaw.