‘Pula ang kulay ng alak’

SA ISANG umpukan na may tagayan, kung kanino hihinto ang baso dapat uminom ng alak. Sa pagkakataong ito ‘dugo’ ang naging laman ng baso.

“Nilapitan niya ang dalawang babae… kinausap pero may pagkabastos ang dating kaya pinuntahan siya ni Nhel Braian,” laman ng salaysay ni ‘Jover’.

Sa simpleng saway lang daw nagsimula ang away sa pagitan ni Nhel Braian Colocar, 24 anyos at kainumang si Ruben Layan, 18 taong gulang… isang hating gabi 12:30 pasado…ika-4 ng Setyembre 2011.

Sinubukan daw silang awatin subalit bunutan na ng balisong ang sumunod na nangyari.

Nagsadya sa aming tanggapan si Saturnina “Nina” Layan, 66 na taong gulang, ina ni Ruben.

Tubong San Carlos City, Negros Occidental ang pamilya Layan.  May sarili ng pamilya ang sampung anak ni Nina maliban sa bunsong si Ruben, Dodong Ben kung tawagin, 18 anyos.

Sa edad na 16, lumuwas ng Maynila si Ben at nanuluyan sa kuya na si Arturo, 43 anyos—taga Tatalon, Quezon City.

“Lahat ng kapatid niya nasa Maynila kaya siya nawili. Dito na rin siya nakapagtrabaho,” wika ni Nina.

Sa pagawaan ng tsokolate sa Molino 6, Cavite siya unang nagtrabaho bilang Production Worker. Dating nakatira si Ben sa kanyang ate na si Bernadet subalit nagdesisyon siyang mag-board malapit sa ‘factory’.

Lunes hanggang Sabado ang pasok ni Ben. Paiba-iba ang sche­dule. Naging malapit sa kanya ang mga kasama niya sa trabaho na sina Nhel Braian Colocar, 24 at Jover Urot, 30.

“Hindi naman mabarkada ang anak ko pero dahil bata kapag inaaya sa mga inuman sumasama…” ayon kay Nina.

Ika-3 ng Setyembre 2011, bandang alas sais dumaan si Ben sa kanyang kapatid na si Bernadet at nagpaalam, “Ate, pupunta lang ako sa birthday sa kasamahan ko... d’yan lang sa labasan.”

Alas dose pasado... kinatok na lang si Bernadet ng kapitbahay.

“Ate! Ate! May patay sa tabi ng highway…sa Green Valley,” ani nito.

Naki-usisa si Bernadet, mabilis siyang lumabas. Nakita niya ang isang lalakeng duguan… labas ang bituka at tirik ang mga mata. Nang titigan niya… nagulat siya ng makilalang si Ben ang bangkay.

Niyakap niya ang kapatid at sinabing, “Sinong may kagagawan nito? Bakit ninyo ginawa sa kapatid ko ito?”

Ibinalita ni Bernadet sa ina ang sinapit ni Ben. Dumating ang mga Pulis-Cavite at nagsagawa ng imbestigasyon. Itinuro ni Jover, kasama daw sa inuman nila Ben ng gabing iyon ang katrabahong si Nhel Briain.

Base sa salaysay na ibinigay ni Jover kay SPO1 Dante Chan Ordono, sa himpilan ng Pag-asa Substation, Bacoor, Cavite nung ika-4 ng Setyembre 2011 sa harap ni PO2 Joel Umali at ilang mga saksi:

Habang sila ay nasa videoke bar sa tabi ng Green Valley Rd., San Nicolas 3, Bacoor. Naiwan sila sa lugar nila Ben, Braian at isang Jun Hinong.

Nag-iinuman sila ng ‘red horse’ habang ang ilan naman ay nagkakantahan nang biglang lapitan ni Ben ang dalawang babae at kinausap. May pagkabastos daw ang dating ni Ben kaya’t pinuntahan siya ni Braian at sinaway.

“Pinabalik niya ito sa upuan pero nagalit si Ben at nagbunot ng balisong,” –salaysay ni Jover.

Ayon kay Jover, kinuha niya ang balisong kay Ben. Pagkabigay sa kanya, siya namang agaw sa kanya ni Braian.

Pinilit daw kunin ni Braian ang balisong sa kanya at sinabing siya na lang ang kakausap kay Ben sa ginawang pambabastos nito sa mga babae.

Lumabas silang tatlo sa ‘videoke bar’. Umihi itong si Nhel Braian, bigla na lang daw siyang sinundan ni Ben at pilit kinukuha ang balisong. Dito niya nasaksihang nag-aagawan na ang dalawa.

“Nakita ko na lang na pinagsasaksak ni Braian si Ben. Hu­mingi siya ng tulong sa akin at bumagsak na po sa tabi ng kalsada,” ayon kay Jover.

Mabilis na dumating ang mga pulis at Bantay-Bayan habang nanakbo palayo si Braian at tumakas. Itinuro niya ang bahay ng suspek at mabilis itong nadakip at ikinulong.

Nagsampa ng kasong ‘Homicide’ ang pamilya Layan laban kay Braian. Nagkaroon ng pagdinig at kasalukuyan ng nasa RTC- Branch 89 ang kaso.

Dahil ‘Homicide’ ang isinampa nakapagpiyansa itong si Braian.

Nitong Abril 2013, namataan siya ni Bernadet na nasa kanilang lugar.

“Sa totoo lang mula ng mamatay ang anak ko parang naka­lutang lang ako sa hangin… ni  hindi ko na alam ang tinakbo ng kaso,” pahayag ni Nina.

Hindi matanggap ni Nina na Homicide lang bumagsak ang kaso.  Pakiramdam nila pinagplanuhan ni Braian ang pagpatay kay Ben. ‘Murder’ daw dapat ang isinampa dito.

Para pagtibayin ang anggulong ito may nakalap daw na impormasyon ang kapatid ni Ben na si Shirley Carro. Mula sa ‘birthday party’ niyaya ni Braian ang kanyang kapatid sa videoke. Nilasing daw si Ben. Nagwala itong si Braian kaya’t lumabas si Ben para makaiwas sa gulo at umuwi na subalit tinawag daw siya ni Braian at pinahinto. Dito na nangyari ang pananaksak. Hindi rin daw totoo na kay Ben ang kutsilyo. Kung totoo ngang nagpambuno sila bakit wala man lang daw sugat o gasgas na natamo ang suspek?

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/ Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ipinaliwanag namin kay Nina na sa isang kasong ‘homicide’ ang suspek ay pinapayagang  makapag-piyansa. Ito ang dahilan kung bakit nakikita nilang nasa labas na itong si Briain.

Tali ang mga kamay ng mga pulis at taga-usig dahil ang pangunahing testigo ang mismong nagsabi na nagkainitan, nagkaagawan at nagkaroon ng saksakan.

Sa kasong ‘murder’ kailangang makakita ang taga-usig o hukom na meron talagang planong pagpatay ang suspek (premeditation). Treachery, o pataksil na pagpatay at walang kalaban-laban ang biktima (abuse of superior strength).

Maaring tama ang nakalap nilang balita. Subalit huli na ang paglutang nito dahil ang testimonya ng testigo, hindi lang haka-haka (hearsay) ang mga ito. Nabasahan na rin ng demanda ang nasasakdal para sa kasong Homicide.

Ganun pa man, pinagtataka rin namin kung bakit ang testigong si Jover ibinigay pa kay Braian ang balisong gayung nakuha na niya umano ito sa kamay ni Ben at alam niyang nagkainitan na ang dalawa? Bakit denesisyunan pa niya?

Ito ang bagay na dapat linawin sa isang malawakang paglilitis. Kung talagang ramdam nila Nina na pinagtulungan at pinlanong patayin itong si Ben, maari din isali sa kaso itong si Jover subalit sino na ngayon ang tatayong testigo sa krimen na ito? Diskarte na ng taga-usig yan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming mga numero 09213263166(Chen), 09213784392(Pauline), 09198972854 (Monique) .Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City.

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments