Huwag ikumpromiso sa ngalan ng asenso
PATULOY na umaani ng reaksyon ang pambungad na deklarasyon ni Manila Vice Mayor Isko Moreno tungkol sa intensyon ng pamahalaang lungsod na ipatupad ang ordinansang nagpapatalsik ng mga oil depot sa Pandacan. Maaalalang sinalubong ang unang araw ng paglilingkod ng bagong pamunuan ng balitang may tumagas na langis mula sa isang warehouse sa Sta. Ana. Hindi ito kabilang sa pinagdedebatehang Pandacan oil depot subalit nandun pa rin ang mga isyung ikinababahala ng mga residente tungkol sa kanilang kaligtasan.
Ayon sa mga eksperto, hindi dapat mangambang magkakaroon ng ganoong uri ng spill sa mga pasilidad ng Big 3 dahil sa mga makakapal na konkretong pader na bumabalot sa kanilang storage tanks at sa mahigpit na international standards na pinapatupad ng kompanyang multinational. Subalit ayon din sa mga eksperto, ang kaparehong seguridad ng depot ay hindi maililipat sa mga barge, tankers at pipelines na sumeserbisyo rito.
Mismong ang Department of Energy ang umaamin na halos walo katao lang ang kanilang dibisyon na umaasikaso sa safety at security ng mga instalasyong ganito. Naku naman. Ni hindi kinailangang hintayin ang pasya ng mga mamamayan ng Maynila na ipatanggal ang depot dahil sa peligro sa kalusugan at kaligtasan. Kulang na kulang!
Ang pagkakaroon ng ganitong mga facilities sa ating lungsod ay maaring hindi matatakasan. Kailangan din naman ito ng lipunan at habang maipupuwesto ito sa mas malapit na lugar ay mas makakadagdag sa tipid ng industriya at negosyo. Subalit kulang talaga ang tao at imprastruktura ng pamahalaan upang mabigyang hinahon ang bayan na masisiguro ang ating kaligtasan. Lalo na ngayon at tila naaaninagan na ang asenso at dumadami ang proyektong pampubliko, higit na kakailanganin ang mga oil, gas at power facilities.
Malaki ang magiging problema ng pamahalaan kung tuluyan nang iwan ng oil companies ang Pandacan. Saan man malipat ang mga kumpanya, sana’y masiguro ng pamahalaan na matuunan ng pansin ang safety issues. Ang asenso ay buong pusong tinatanggap – huwag lang sana makumpromiso ang ating kalagayan at kalusugan.
- Latest