HINDI na nakapagtataka kung libong isda ang naglutangan sa Manila Bay. Ang Manila Bay ay tapunan ng tone-toneladang basura galing sa Metro Manila. Matindi ang polusyon kaya hirap na ang isdang makahinga, ika nga. Pero ang paglutang ng libong isda ay masamang senyales na sa kalusugan ng Manila Bay.
Sinisisi ng iba ang naganap na “fishkill†sa malakas na ulan na dulot ng bagyong “Gorioâ€. Tumabang daw ang tubig, kaya hindi nakahinga ang mga isdang sanay sa tubig-alat. Pero kung tatanggapin ang ganyang paliwanag, madalas tayong dinadalaw ng bagyo, bakit hindi lahat ng pagkakataon ay may “fishkill†sa Manila Bay? Nagmistulang tag-init sa seawall ng Roxas Blvd., hindi dahil maraming naliligo kundi marami ang pumupulot ng mga patay na isda. Naglabas ng babala ang Buerau of Fisheries and Aquatic Resources na huwag kainin ang mga patay na isda, pero sino naman ang makikinig sa kanila, kung ang tingin sa nangyari ay biyaya at hindi dapat tanggihan. Ewan ko na lang kung may mababalitaan tayong mga nagkasakit o namatay matapos kainin ang mga nasabing isda.
Inaalam pa ng mga eksperto ang sanhi ng pagkamatay ng libong isda. Baka nagbabago na ang karagatan ng Manila Bay. Baka may nagtapon na naman ng basurang kemikal o lason sa dagat, at kumalat na lang nang lumakas ang ulan. O baka dahil lang sa dumi ng karagatan, kung saan ipinagbawal na nga ang paliligo roon. Talagang pasama nang pasama ang ating mga karagatan, ilog, lawa, dahil sa polusyon. Wala rin talagang magawa ang gobyerno sa mga taong walang pakialam sa kalinisan at laging nagtatapon ng kung anu-ano sa dagat. Tayo rin ang magbabayad ng lahat niyan pagdating ng panahon. Katulad niyan, libong isda ang patay. Noong araw, masamang pamahiin na iyan para sa katapusan ng mundo!
Kung hindi babaguhin ang ugali at patuloy na sasalaulain ang mga dagat, ilog at lawa, darating ang araw na wala ngang magÂlulutangang patay na isda, kasi wala nang isda. Basura at lason ang lulutang!