WELCOME, Rolls Royce, ang pinaka-prestihiyosong limousine maker, sa pagdating sa Maynila, na Pintuan ng Impiyerno. Makabenta sana kayo ng maraming limo. Mahirap nga lang isipin kung paano babagtas ang makakabili ng RR sa mga kalsada ng Maynila na puro lubak, trapik, baha, basura, at batang-hamog na nagpapahid ng trapo sa windshield para sa konting baryang pambili muli ng droga.
Pumupunta ang negosyante kung saan may pagkikitaan. May mga bilyonaryong Pilipino na kayang bumili ng limo sa halagang P20 milyon-pataas, dagdag pa ang 65% buwis. Bago pa nga dumating ang RR nitong linggo, may isa nang bumili, at idinisplay ang unit sa grand opening.
Ganunpaman, makikita lalo ngayon ang lumalaking agwat ng mayaman at mahirap. Kamakailan nagwaldas ang 36-anyos na eredero ng real estate developer sa pagtayo ng mansiyon sa Forbes Park, Makati, sa halagang P675 milyon, dinisenyo ng mamahaling dayuhang arkitekto. Sa naturang mansiyon ay nag-display siya ng dalawang dosenang portraits ng sarili, na ipinapinta sa mga sikat na artists abroad, halagang P130 milyon. Na-feature ‘yan sa Vanity Fair magazine July 2013 edition.
Samantala, patuloy ang karukhaan. Nitong nakaraang anim na taon, nanatiling 28% ang poverty incidence. Tatlo sa sampung Pilipino; dumadami sila kasabay ng paglobo ng populasyon. Dumadami rin ang walang trabaho, 2.7 milyon; at kulang sa trabaho, 7 milyon.
Sunud-sunod sa England, France, Sweden, Turkey, Brazil, at Indonesia, sumiklab ang mga demonstrasyon laban sa mga demokratikong gobyerno, dahil sa hindi na matiis na kahirapan. Nauna na sa United States nagkaroon ng “occupy†protests. Matulad kaya sa kanila ang Pilipinas?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com