I-lock ang pinto, isara ang bintana

NAGLABAS ng babala at payo ang Southern Police District (SPD) sa mga motoristang bumabaybay ng C5 na panatilihing naka-lock ang kanilang mga pinto at nakasara ang mga bintana. Ayon sa SPD, tumataas ang insidente ng mga krimen sa nasabing lugar, partikular sa may Sampaguita St., Sta. Maria St., elevated U-turn sa Kalayaan at C5 mini park. Kapag nakatigil ang mga sasakyan dahil sa trapik, dito pinagsasamantalahan ng mga batang kriminal ang mga bukas na pinto at bintana ng mga sasakyan. Kapag may nahablot sa loob ay kakaripas na at hindi na mahahabol ng mga motorista. Mas mataas na ang naitalang bilang ng mga krimen itong nakaraang anim na buwan ng 2013 kumpara sa kabuuang bilang ng nakaraang taon.

Halos ganito rin ang estilo ng mga tinatawag na “Batang Hamog” sa EDSA/Guadalupe noon. Habang nakatigil ang mga sasakyan dahil sa trapik, may isang  magbubukas ng pinto ng sasakyan at kapag nalito na ang drayber ay nanakawan naman ng isang kasama. Kaya hindi na rin ligtas ang mga sasakyang walang aircon, kahit gusto mo pang magtipid. Baka mas malaki pa ang mawala sa iyo kapag nagkataon.

Hindi lang mga “Batang Hamog” ang dapat pag-inga­tan. Nandiyan ang “Suka Gang”, “Jumper Boys”, “Rugby Boys” at “Tulak Boys” na dapat ding bantayan para hindi mabiktima. Sa pangalan pa lang ay malalaman na ang kanilang pamamaraan ng pagnakaw o pananamantala. Patunay rin na walang magawa ang mga otoridad para mapigilan ang mga krimen na ganyan. Hihintayin na lang lumapit ang mga biktima sa kanila kapag naganap na ang krimen. Kulang sa tao para bantayan ang mga kilalang lugar, at kulang sa kagamitan katulad ng mga karagdagang CCTV. Iba na rin ang kriminal ngayon. Mas bata, mas walanghiya, mas matatapang gumanap ng krimen, kahit sa ilalim pa ng sikat ng araw. Hindi na hinihintay ang pagdilim. Kapag may oportunidad, susunggaban. Kaya sundan ang payo ng mga pulis. Simpleng pagpindot lamang para masara ang pinto at bintana. Pero kung walang aircon ang sasakyan, naku mag-ingat na lang!

Show comments