Usok sa paraiso

KILALA ang Singapore na isa sa pinaka-malinis na bansa sa mundo. Ipinagmamalaki rin ang kanilang ekonomiya at magandang inprastraktura katulad ng kanilang airport, na pinakamaganda sa buong mundo. Mababa ang krimen at lahat ng mamamayan ay sumusunod sa batas ng bansa. Kaya naman laging mataas ang bilang ng mga turistang pumupunta rito, kasama ang mga Pilipino.

Nitong mga nakaraang linggo, tila impiyerno ang dinaranas ng Singapore dahil nababalot sa matinding usok mula sa mga nasusunog na kagubatan mula sa Indonesia. Sinusunog na sadya ang kagubatan para maging “malinis”. Dahil sa tindi ng usok naka-maskara na ang mga tao at nahihirapan din makahinga. Kakaunti ang natatanaw dahil sa kapal ng usok kaya nababawasan ang mga turistang pumupunta sa Singapore.

Nagagalit na ang gobyerno ng Singapore sa Indonesia at pinagbibintangan na walang ginagawa para mabawasan ang usok. Tila pinababayaan na lang ang sunog hanggang mamatay na lang ng kusa. Pati ang Malaysia ay apektado na rin sa usok, at nagagalit na rin. Umano’y baka tumagal pa ng ilang linggo ang usok.

Hindi ko maisip ang epekto ng usok na ito sa ekonomiya ng Singapore at Malaysia. Siyempre masama para sa negosyo bukod sa masama sa kalusugan. Hindi ito ang unang beses na naganap ang ganitong pagkalat ng usok mula Indonesia patungong Singapore at Malaysia. Sinisisi ng Malaysia at Singapore ang pamamaraan ng pagsunog sa mga kagubatan at damuhan para malinis ang lupain na itinanggi naman ng Indonesia. Pero may ebidensiya di ba? Mabuti na lang at hindi pa-punta sa atin ang ihip ng hangin kundi baka pati tayo ay mabalutan din ng usok.

Marami na tayong pinag­mumulan ng polusyon, kaya hindi na natin kailangan ang usok mula Indonesia! Ka-tulad ng usok mula sa mga sasakyang kakarag-karag, mga tangke ng la-ngis na pinababayaang tumulo sa ilog Pasig at mga maruruming pulitiko na ilang dekada nang nasa posisyon!

Hindi ba’t sobra-sobrang polusyon na iyan?

 

Show comments