“Si Mayor kaya sampalin mo!”

IISA lamang ang batas. Walang tinatawag na batas para sa mayaman o mahirap, o sa kamag-anak. Deretso ang tingin nito tungo sa iisang prinsipyo, ito ay ang hustisya na para sa lahat at walang kinikilangan.

Ganito ang palagay ni Raquel “Neng” Haboc 34 anyos, na ipinagkait sa kanila nung hanapan nila ng katarungan ang sinapit ng kanyang menor de edad na anak na si “Miguel”(hindi tunay na pangalan)—14 anyos. Taga-Sto. Niño Tawiran Ext., Santolan, Pasig City.  

Hunyo 10, 2012, alas-diyes ng gabi nung mangyari ito. Nagkakainitan ang laban sa pagitan ng BLCYC Team at ABS Team. Dikit ang score at lamang lang ng dalawang puntos ang BLCYC—na sinusuportahan ni Miguel. Buhay na buhay ang mga sagutan ng hiyaw at kantyaw ng mga taga-suporta ng bawat team.

Kasalukuyang hawak ni Nestor Ramos Jr.—23 anyos ng ABS Team ang bola at dinidribol ito. “Kalbo! Kalbo!,”    

“T%$^%^$ ‘nyo ah! Mga gago kayo!,” sabi raw ni Nestor sa mga ito.

“Wala!!!! Sablay!,” kantyaw ni Miguel hanggang sa mapansin niyang sinisiko umano ni Nestor ang  isang player ng BLCYC na si “Edok”.

“Ref oh! Naniniko!,” sigaw ni Miguel  sa referee sabay turo kay Nestor.

Ilang sandali ay pinituhan ng referee si Nestor at nilapitan ito.

Halos nagmumurahan na ang mga taga-suporta. Nagulat na lamang si Miguel nung partikular siyang binalingan ng tingin ni Nestor.

“Gago ka ah! Bakit mo ko minura!?” sigaw ni Nestor kay Miguel. Napakunot ang ulo ni Miguel at naguluhan kung siya nga ang  kinakausap nito. “Hindi ako yun! Ang sinabi ko lang nanakit ka!,” ani Miguel.

Biglang mula sa kung saan, isang malakas na sapok ang sumampal sa kanang pisngi ni Miguel. Sa bigat at bilis ng hampas ng palad halos mamanhid ang kanyang buong mukha. May nalasahang dugo si Miguel sa kanyang bibig.

Paglingon niya dun niya nalamang ang hepe umano ng mga tanod na si Antonio “Sonny” Sityar—45 anyos, ang sumampal sa kanya.

 â€œBakit ‘nyo ko sinampal!?,” tanong ni Miguel.

“Gago ka eh!,” sagot daw ni Sonny. Hinablot ang braso ni Sonny ng kanyang mga kapwa tanod para awatin ito ngunit pumipiglas-piglas para ambahan ng suntok itong si Miguel. Sagad ang pagkapahiyang naramdaman ni Miguel habang lahat ng atensyon ng mga naroon ay nakatuon sa kanya.

Hinila palabas ng court si Sonny ng mga kapwa tanod at natuloy ang  laro. Lumapit si Miguel kay Cherry Villacino—31 anyos, na isang tauhan sa kanilang baranggay. Tinawag ni Cherry ang nanay ni Miguel na si Neng at tumuloy ng baranggay para magpa-blotter. Nung pinatawag na mula sa basketball court si Sonny ay hindi na ito mahanap. Pinatignan sa doktor si Miguel.

Alas-12 na ng gabi nung makarating sila ng Women’s Desk Pasig Police Station upang mag-reklamo. Kinuhanan ng salaysay si Miguel ni PO1 Merian Dayap. Kinabukasan, pinababalik umano sila ng pulis sa baranggay dahil hindi raw sila nagkaharap sa isang lupon. Sa ikatlong patawag lamang sa baranggay nagpunta si Sonny.

“Hindi ko sinampal ang anak mo! Tinapik ko lang! Kahit saan ka magdemanda hindi ako natatakot!,” sabi umano ni Sonny kay Neng.

Hindi sila nagkaayos kaya’t humingi sila ng “Certifi­cate to File Action(CFA)”. Ang problema hindi­ sila kaagad binigyan. Suspetsa nina Neng na iniipit ito dahil sa ka­patid ni Sonny si Brgy. Chairman Wilfredo Sityar.   
Dahil dito, Agosto 6, 2012 inireklamo ni Neng sa Dept. of Interior and Local Government o DILG ito. Naglabas ng “Notice of Mediation Conference” si Ombudsman Ronaldo Doctor para lamang humarap itong sina Sonny at Brgy. Chairman Wilfredo Sityar.

Agosto 31, 2012 ay hindi pa rin sila nagkasundo ngunit ipinangakong ibibigay ang CFA. Tatlong araw makalipas ay nakuha nila ito.

Oktubre 24 ipinasa na ang kanilang reklamo sa ‘Office of the Prosecutor ng Pasig City’ para sa reklamong “Physical Injuries in relation to 7610” laban kay Sonny.

Oktubre 31, lumabas ang resolusyon ni Investigating Prosec. Alvin Joseph Porten. Nakitaan ng “probable cause” ang kaso para maisampa sa korte.

Enero 31, 2013 nagkaroon ng “Preliminary Conference” at nag-“plead” ng “NOT GUILTY” si Sonny. Itinakda na rin ang “Pre;iminary Trial” ng kaso.

Pebrero 13, 2013 nagpasa ng kontra-salaysay si Sonny at ang kanyang mga testigong sina Froilan Gleaves (kapwa tanod), at Nestor Ramos Jr.(ang manlalarong nakairingan ni Miguel). Sinabi ni Sonny sa kanyang kontra-salaysay na ang intensyon niya ay para awatin ang iringan sa pagitan ni Miguel at Nestor at “aksidenteng nasagi lamang” niya ang mukha ni Miguel. Sinuportahan ito ng dalawang testigo. Aksidente? Baka naman mayabang ka talaga at siga sa lugar ninyo. Si Pasig City Mayor Bobby Eusebio kaya sampalin para makita tapang mo! Saan ka kaya pupulitin?

Pebrero 26, 2013 sa utos ni Presiding Judge Maria Rowena San Pedro,sinabing sa halip na ituloy ang paglilitis, nagdesisyon itong ipadaan muna sa Mediation. Ngayon, nais malaman ni Neng kung bakit hindi pumasok sa kasong RA 7610 o Child Abuse ang  kanilang demanda.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwentong ito nina Neng at Miguel.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang hinahanap ng taga-usig sa isang kasong Child Abuse o RA 7610 ay kung nakaapekto ang  insidente sa “psychological development” ng batang biktima.

Hindi ko maintindihan kung ano pa ang hinahanap ng taga-usig na ito gayong maliwanag sa pagkakasamapal kay Miguel na isang 14 anyos sa harapan ng maraming tao, ay nagdulot sa kanya ng matinding kahihiyan, “mental torture”, at ito’y nakatatak na sa kanyang isipan hanggang sa kanyang pagtanda. Ngayon pa lang may takot na siya tuwing nakakakita siya ng tanod ayon sa kanyang ina at sa kanya mismo. Hindi pa ba sapat ito Mr. Prosecutor?

 Ang depensa nitong si Sonny Sityar, aksidenteng natabig lang niya ang bata sa kanyang kagustuhan na awatin ang dalawang taong mag-aaway.

Ito ay bagay na dapat pinag-uusapan, pinagbabatbatan sa isang malawakang paglilitis at hindi sa isang ‘Preliminary investigation’(PI).

 Ano na ang nangyari sa “legal tenet” na sa isang PI, “probable cause” lamang ang hinahanp para maisampa ito sa korte? Hindi ba’t may “medico legal certificate” ang  bata? Hindi ba’t may salaysay ang  bata sa gabay ng kanyang ina? Hindi ba’t inamin din ni Sonny na tinamaan nga niya ang bata?

Kung kulang pa ang mga ito baka pwedeng ipaliwanag sa’yo ni Prosecutor General Claro Arellano ang mga elemento na hinahanap sa tinatawag na “in relation to RA 7610”. Gusto mo tawagan namin siya para sa’yo?

Hindi kaya pumasok ang pulitika dito dahil yung kapatid ni Sonny ay punong baranggay at nanalo noong huling eleksyon bilang konsehal? Akala ko ba wala nang “wang-wang” o “counter flow” sa administrasyon ni Presidente P-Noy Aquino? Wala na talagang magagawa dahil nabasahan na ng demanda at naglilitis na para sa kasong “physical injuries”. Ang panghuling pananalita na pwede lamang naming sabihin ay, “no one is above the law and you should apply it without fear nor favor”. Malinaw ba Mr. Prosecutor? (KINALAP NI PAULINE VENTURA)

Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784392 o 0906-7578527 . Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes. Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments