EDITORYAL - Kailangan ang boto ng mga nasa estero
LUMUTANG din ang dahilan kung bakit sa tinaÂgal-tagal ng panahon ay hindi mapaalis o ma-relocate ang mga squatters na nasa pampang o mismong nasa estero. Ito ay dahil kailangan ng mga pulitiko at local officials ang kanilang boto. Ang mga pulitiko ang gumagawa ng paraan para maatrasado nang maatrasado ang pagpapaalis sa mga squatters hanggang sa hindi na nga mapaalis sa estero at dumami pa nang dumami.
Pinatunayan ito ni Public Works Secretary Rogelio Singson. Ayon kay Singson, dapat ay noong summer pa na-relocate ang squatters subalit tumutol umano ang mga local public officials dahil mag-eeleksiyon.
Hindi na kailangang mag-isip. Kahit karaniwang tao, madaling malalaman na ang boto ng mga nasa squatters ang kailangan ng pulitiko. Simple lang, kapag na-relocate ang mga squatter, wala na silang aasahang boto. Kailangan ang boto kaya huwag munang paalisin ang mga nasa pampang ng ilog, estero at creek. Kesehodang magbaha dahil sa mga nakatayong barung-barong. Nasa 20,000 pamilya ang dapat ay na-relocate noong summer.
Pero ngayong si President Aquino na ang nag-utos na dapat wala nang squatters sa tabing ilog at esteros, hindi na maaari ang pagtutol ng mga pulitiko. Ayon kay Singson, nakahanda nang alisin ang squatters at ililipat sa relocation. Bago raw matapos ang taon na ito, nai-relocate nang lahat ang squatters. Kabilang sa aalisin ay mga nasa pampang ng San Juan River, Tullahan River, Manggahan Floodway, Maricaban Creek, Estero Tripa de Gallina, Pasig River, Estero de Sunog Apog at Estero de Maypajo.
Ayon sa DPWH, kapag naalis ang mga barung-barong sa mga estero, masosolusyunan na ang mga pagbaha sa Metro Manila. Isa sa mga dahilan ng pagbaha ay ang mga nakatayong barung-barong sa mga daluyan ng tubig. Ang mga squatter din ang nagtatapon nang maraming basura sa ilog at estero.
Ang pag-aalis sa mga squatter ay naungkat makaraang bumaha noong nakaraang linggo sa Metro Manila at nagdulot nang grabeng trapik. Nagturuan naman ang DPWH at Metro Manila Development Authority (MMDA) kung bakit bumaha.
Isakatuparan ang pag-aalis sa squatters nga-yong taon na ito. Huwag nang ipagpaliban pa.
- Latest