SA lahat ng mga ama, Happy Fathers’ Day!
Maging si David na hinirang ng Diyos na maging hari ng Israel ay nagkasala. Pinaglaruan pa niya ang Salita ng Diyos at nilabag ang kalooban ng Panginoon. At sa kanyang makamundong pagnanasa sa isang magandang babae na asawa ng kanyang kawal na si Urias ay ipinapatay pa ito upang kanyang mapasakanya ang babae. Nagsisi si David at lubusang nagpakasakit. “Diyos ko, ako’y patawarin sa aking pagkasuwailâ€.
Sinabi ni Pablo na tayo’y pinawalang sala ng Diyos dahil sa pananalig kay Hesus. Maging sa ebanghelyo ngayon ay nagpahayag na ang malaking pagmamahal ng Diyos ay nagpapatunay sa Kanyang pagpapatawad. Nagtaka ang Pariseong si Simon na sa kanyang pag-anyaya kay Hesus sa handaan ay nasaksihan niya ang pagpapatawad Nito sa babaing makasalanan. Nilinisan ng babae ng kanyang mga luha ang paa ni Hesus sa pamamagitan ng buhok. Hinagkan pa nito at pinahiran ng pabango. Maraming nagtaka kung talagang propeta ang taong ito. Bakit nakikisalamuha ito sa isang makasalanan.
Inihalintulad pa ni Hesus ang babae sa dalawang taong nangutang ng denario, ang isa limangdaan at ang isa naman ay limampu. Nang hindi makabayad ay parehong pinatawad. Kailanman ay hindi namimili ang Diyos sa kanyang pagpapatawad malaki man o maliit. Sinasabi ni Hesus sa ating lahat tulad ng sa babae: “pinatawad na ang iyong mga kasalanan. Iniligtas ka ng iyong pananalig, yumaon ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooobanâ€.
Ang kapatawaran ay hango sa ating lubusang pagsisisi at pagtutuwid sa ating buhay. Kung tunay na maraming nagawang kasalanan ang mga dating namumuno sa ating pamahalaan ay huwag silang mawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay mapagpatawad. Subali’t dapat din nilang tanggapin ang kaparusahan dito sa lupa. Ibig sabihin linisin muna ang katiwalian. Pumanaw man ang mga nagkasala ay hindi maninirahan sa apoy na walang hanggan. Subali’t kung hanggang ngayon ay walang nagsisi at ipinagmamalaki pa ang paikut-ikot na salapi ng batas, darating ang panahon na nabubuhay pa sa lupa ay pinarurusahan na ng Maykapal. (2 Samuel 12:7-13; Salmo 31; Galatians 2:16-21 at Lukas 7:36-50)
* * *
Nakikiramay po ako sa pagpanaw ni Fr. Benjie Roda ng Tiaong, Quezon.