^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Paninigarilyo sa pampublikong lugar

Pilipino Star Ngayon

BALEWALA ang Republic Act 9211 (Tobacco Regulation Act of 2013). Sa ilalim ng batas na ito, ipinagbabawal ang paninigarilyo sa pampublikong lugar at mga confined o enclosed areas gaya ng ospital, gusali, sinehan, school, bus terminal, elevator, mga airconditioned room, klinika at recreational facilities para sa mga bata.

Pero ang malungkot na katotohanan, hindi naipatutupad ang batas na ito. Matapos pagkagastusan, pagbuhusan ng oras, pagdebatehan at talakayin nang matagal ay hindi rin pala lubusang mapapakinabangan. Ang nakadidismaya, may mga mambabatas na sila pa ang unang sumusuway sa batas. Sa halip na sila ang maging halimbawa para maipatupad nang maayos ang batas, sila pa ang lumalabag.

Maraming naninigarilyo sa enclosed areas. Walang pakialam kahit na nasusulasok ang mga nasa loob ng kuwartong airconditioned ng gusali. Walang pakialam kahit may magkasakit dahil sa ibinubugang second hand smoke.

Isa ang gusali ng Senado sa mga lugar na hindi nasusunod ang R.A. 9211. Umano’y may ilang senador na naninigarilyo rito at hindi na isinasaalang-alang ang kalusugan ng iba pang nakalalanghap ng usok. May senador umano na naninigarilyo sa loob mismo ng kanyang tanggapan. Dahil aircon ang tanggapan, hinihigop ito ng aircon kaya ang mga katabing tanggapan ay nalalanghap din ang mabahong amoy ng sigarilyo. Sa halip na magbigay ng halimbawa ang senador na huwag manigarilyo, siya pa ang pasimuno.

Sa ulat ng Department of Health, nangunguna ang cancer sa baga sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo at maraming Pilipino ang nagkakaroon nito. Ang iba pang sakit ay cancer sa lalamunan, labi at dila at sakit sa puso. Kandidato rin sa pagkakasakit ang mga nakalalanghap ng second hand smoke.

Ang mga mambabatas ang nararapat maging halimbawa sa pagpapatupad ng batas. Sila ang dapat manguna at hindi ‘yung sila pa ang nagpapakita nang kawalan ng respeto sa batas. Sundin sana ng ilang mambabatas na matakaw sa yosi ang R.A. 9211.

 

BATAS

DAHIL

DEPARTMENT OF HEALTH

ISA

KANDIDATO

MARAMING

REPUBLIC ACT

TOBACCO REGULATION ACT

WALANG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with