TUMAAS ang bilang ng mga walang trabaho. Noong nakaraang Abril, umabot sa 7.5 percent ang walang trabaho. Mas mataas ito kumpara sa 6.9 percent noong Abril 2012. Mataas din sa jobless rate na inilabas noong nakaraang Enero 2013. Ito ay batay sa report ng National Statistics Office (NSO). Lubhang nakadidismaya ang report na ito ng NSO at nangyari pa ang pagtaas ng mga walang trabaho sa sinasabing paglago ng ekonomiya sa nakaraang first quarter ng 2013. Tumaas umano ng 7.8 percent ang ekonomiya ng bansa na nalampasan pa ang China na 7.7 percent ang naitalang paglago. Pinakamataas ang paglago ng Pilipinas sa mga bansa sa Asia. Ang Indonesia ay 6 percent; Thailand, 5.3 percent at Vietnam, 4.9 percent. Ang paglago ay binabase sa Growth Domestic Product (GDP) ng bansa, value ng goods at services na pino-produced ng ekonomiya.
Sabi ng NSO, ang kawalan ng trabaho sa agriculture sector ang dahilan kaya tumaas ang unemployment rate. Isinisi sa mainit na panahon at kawalan ng mga patubig kaya nabawasan ang produksiyong agrikultura. Umano’y 624,000 trabaho ang nawala sa agrikultura noong Abril. Nang tanungin naman si President Aquino ukol sa mataas na unemployment rate na nagbuhat sa agriculture sector, naatraso raw ang pagtatanim ng mga magsasaka dahil sa matinding init. Nagbago rin daw ang kalendaryo ng mga magsasaka sa pagtatanim dahil sa pabagu-bagong kondisyon ng panahon.
Nakita na nila ang problema kung bakit naaatrasado ang pagtatanim ng mga magsasaka. Kawalan ng tubig dahil sa matinding init ng panahon. Bakit hindi magkaroon ng proyekto sa patubig? Anong ginagawa ng National Irrigation Administration? Hindi ba sila makakagawa ng paraan para mapatubigan ang mga palayan sa maraming panig ng bansa? Ang Pilipinas ay agrikulturang bansa. Mayaman sa lupa. Bakit hindi ito ang pagtuunan ng pansin para makapag-generate nang maraming trabaho. Bakit nagsusumiksik sa mga trabahong iilan lang ang nakikinabang at walang napapala ang gobyerno. Dapat mamulat ang gobyerno at pagsikapang paunlarin ang agrikultura. Dito nanggagaling ang kabuhayan ng bansa.