UMAYON ang Labor Arbiter kay Nardo. Dineklara nito na illegal dismissal ang ginawa ng kompanya. Masyado naman daw mabigat ang naging parusa kumpara sa kanyang kasalanan. Sapat na raw parusa ang 30 araw na suspensyon sa trabaho. Pinabalik sa trabaho si Nardo na hindi nababawasan ang kanyang seniority rights, pinagbayad din ang kompanya ng backwages, 13th month pay at pinabayaran ang bond o piyansa. Tama ba ang Labor Arbiter sa kanyang naging desisyon?
Mali. Nalalaman ni Nardo na kasalanan ang kanyang ginawa pero sumige pa rin siya dahil nga sa sinasabi niyang utang na loob sa pasaherong kanyang nilibre. Ibig sabihin ay sinadya niya ang paggawa ng kasalanan para lang mabayaran ang personal na utang na loob sa gastos naman ng kompanya. Ibig sabihin ay pinili niya na lumabag sa patakaran ng kompanya para lang sa pansariling interes. Kung hindi dahil sa inspector na maagap na nakadiskubre sa ginawa ni Nardo ay naloko na dapat at natakbuhan ng pamasahe ang kompanya.
Nalalaman ni Nardo na dapat siyang mag-ingat at huwag na muling gumawa ng kasalanan sa kompanya dahil nga ilang beses na siyang napaparusahan. Alam na niya dapat ang mga patakaran ng kompanya tungkol sa pagpapasakay ng libre. Bilang konduktor ng bus, nalalaman niya na ang pangunahin niyang trabaho ay mangolekta ng pamasahe mula sa pasahero dahil ito ang bumubuhay sa kompanyang kanyang pinapasukan kaya dapat ay lalo siyang mag-ingat. Kung palagi siyang nagkakamali sa kanyang trabaho ay hindi na ito matatawag na simpleng kasalanan lang at hindi na puwedeng ipagwalambahala.
Kahit pa sabihin na pinarusahan na dati si Nardo sa kanyang mga kasalanan, importante pa rin na pag-aralan ang mga ito para maibigay ang angkop na kaparusahan sa huli niyang kasalanan. Kung papaboran natin ang argumento ni Nardo na naparusahan naman na siya dati at hindi na ito importante, para na rin nating binalewala ang mga warning na ibinigay sa kanya. May kasamang tiwala at kumpiyansa sa tao ang posisyong hawak ni Nardo dahil may kinalaman ito sa pera. Kaya ang kapabayaan niya na hindi makakolekta ng pera o pamasahe mula sa publiko na sumasakay sa bus ay maitutu-ring na mabigat na kasalanan na sapat upang tanggalin siya sa trabaho (Mapili vs. Philippine Rabbit Bus Lines, Inc. G.R. 172506, July 27, 2011).